Fil-Am setter top pick ng Philips Gold sa PSL
MANILA, Philippines - Sinilo ng Philips Gold ang pinakamahusay na manlalaro base sa kanyang kredensyal na si Fil-Am Iris Tolenada sa isinagawang Philippine SuperLiga (PSL) Annual Draft kahapon sa SM Aura sa Taguig City.
Ang 5’8 Fil-Am setter ay nagpasalamat agad sa pagtitiwala na ibinigay ng koponan nang gawin siya bilang number one pick sa kaganapang suportado nina Taguig Mayor Lani Cayetano at Congressman Lino Cayetano.
“I’m very thankful and I hope I can bring a lot of my knowledge and my experience to the team and the PSL,” wika ni Tolenada na ang mga magulang ay mga Filipino.
“We have a lot of open spikers at para gumana sila, kailangan namin ng magaling na setter. Si Tolenada ang pinakamagaling na setter sa draft kaya siya ang kinuha namin,” wika ni Atty. Eric Anthony Ty na siyang team manager ng koponang dating nakilala bilang Mane and Tail.
Kinuha sa ikalawang pick ng Foton ay si UP spiker Angeli Araneta habang ang ikatlong pick na hawak ng Cignal ay napunta sa liberong si Rica Enclona.
Ang baguhang Shopinas ang pumili sa pang-apat at ginamit nila ito kay Rizza Jane Mandapat habang ang ikalimang pick na bitbit ng Shamac ay ginamit kay Therese Veronas at ang huling pumili ay ang Petron at ginamit ito kay Fil-Am Alexa Micek.
Dalawang rounds tumagal ang pilian at hindi nagbago ang drafting order at ang mga napili ay sina Desiree Dadang (Philips Gold), Denise Lazaro (Foton), Diane Ticar (Cignal), Djanel Cheng (Shopinas), Samantha Dawson (Shacman) at Ivy Perez (Petron).
Natuwa sina PSL president Ramon “Tats’ Suzara at chairman Philip Ella Juico sa itinakbo ng drafting at nakikita ng dalawa na magiging kapana-panabik ang aksyong magaganap sa All-Filipino Conference na magbubukas sa Marso 22 sa Mall of Asia Arena sa Pasay City. (AT)
- Latest