Carnival, Aces unahang bumangon Beermen palalakasin ang tsansa vs Energy
MANILA, Philippines – Naniniwala si head coach Leo Austria na hangga’t hindi pa sila pormal na nasisibak ay may tsansa pa rin silang makapasok sa quarterfinal round ng 2015 PBA Commissioner’s Cup.
Nasa two-game losing slump ngayon ang Beermen, nagkampeon sa nakaraang PBA Philippine Cup, at kung matatalo sila sa huling tatlong laro ay tuluyan na silang mapapatalsik sa torneo.
“Ang iniisip namin ay one game at a time. Until we’re out and even if we’re out of the playoffs, we’re professionals and we have to do our job,” ani Austria.
Lalabanan ng San Miguel ang Barako Bull ngayong alas-7 ng gabi matapos ang salpukan ng Alaska at Kia sa alas-4:15 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum.
Matapos ang Energy ay lalabanan ng Beermen ang Rain or Shine Elasto Painters sa Marso 13, ang Talk ‘N Text Tropang Texters sa Marso 18 at ang Globalport Batang Pier sa Marso 24.
Sa tournament format ay apat na koponan ang masisibak papasok sa quarterfinals.
Nagmula ang San Miguel sa 105-113 overtime loss sa nagdedepensang Purefoods noong Linggo.
“We still have a chance. You can never know what will happen,” sabi ni Austria, muling aasa kina import Arizona Reid, Arwind Santos, June Mar Fajardo, Chris Ross, Marcio Lassiter at Chris Lutz kontra kina seven-foot reinforcement Solomon Alabi, Sol Mercado, JC Intal at Chico Lanete ng Barako Bull.
Nakalasap ang Energy ng 91-103 kabiguan sa Elasto Painters noong nakaraang Biyernes.
Sa unang laro, mag-uunahan sa pagbabalik sa kanilang porma ang Alaska at ang Kia matapos makalasap ng pagkatalo sa huli nilang laro.
“I think both teams will play very hard. And for the first time in their short time in the PBA, Kia has a distinct advantage in having an absolutely dominant import in PJ Ramos,” sabi ni ni Alaska mentor Alex Compton sa 7’4 import ng Carnival na si Ramos.
- Latest