Pacquiao dumating na sa US para simulan ang pagsasanay sa Wild Card
MANILA, Philippines – Kagaya ng inaasahan ni chief trainer Freddie Roach, dumating na si Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao sa United States kahapon ng umaga.
Ito ay para simulan ang paghahanda ni Pacquiao sa kanilang super fight ni Floyd Mayweather, Jr. sa Mayo 2 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
Nagposte si Pacquiao ng kanyang video sa Twitter kung saan ipinakita ang pagkaway niya sa mga fans palabas ng airport, at may caption na: “I’m back in LA. Ready to train for May 2nd.”
Matapos ito ay naglagay siya ng kanyang larawan sa Instagram habang nagpapahinga sa sofa.
“Just arrived here in LA excited to focus training for the May 2 fight, thank you Lord for the guidance and protection and you up hold me with your righteous right hand,” ani Pacquiao.
Nauna nang sinimulan ng 38-anyos na si Pacquiao ang pagpapakondisyon sa kanyang boxing gym sa Sampaloc, Manila.
Si Filipino assistant trainer Marvin Somodia ang pansamantalang mamumuno sa training camp ni Pacquiao sa Wild Card Boxing Club ni Roach sa Hollywood, California katuwang si strength and conditioning coach Justin Fortune.
Igigiya ni Roach si Chinese two-time Olympic gold medalist Zou Shiming sa laban nito sa Cotai Arena.
“The thing is we have to attack him a lot and have that ring generalship, and Manny has to work on cutting off the ring. Everything will come together. Manny and me have already been talking about the strategy. Once he gets here, he knows what I want from him,” sabi ni Roach.
Para gayahin ang lakas at kilos ng 5-foot-8 na si Mayweather ay kumuha na si Roach ng dalawang malalaking sparring partners para sa 5’6 na si Pacquiao
Ang mga ito ay sina Kenneth Sims Jr. (5-0, 2 KOs), isang junior welterweight at dating amateur standout mula sa Chicago, at Rashidi Ellis (13-0, 10 KOs), isang welterweight buhat sa Lynn, Massachusetts.
Sisimulan ni Pacquiao ang kanyang sparring session sa Marso 8.
“They arrive on March 8. I’m very impressed with their talent. I know they’re young guys, but they’re good,” sabi ni Roach kina Sims at Ellis na kanyang nakita ng nagsasanay sa Wild Card Gym. “They have that Mayweather look a little bit. I have four other guys in mind for later on in camp.”
- Latest