La Salle, Ateneo unahang pumuwesto sa Finals
Laro Ngayon
(Rizal Memorial Football Stadium)
2 p.m. DLSU vs ADMU (Men’s semis)
4 p.m. FEU vs UP (Men’s semis)
MANILA, Philippines — Paglalabanan ng magkaribal na La Salle Archers at Ateneo Eagles ang unang upuan sa 77th UAAP Football Finals sa paglarga ng semis ngayong hapon sa Rizal Memorial Football Stadium.
Parehong may magandang tsansa na manalo ang Archers at Eagles lalo pa’t sudden-death na ang tagisan sa Final Four.
Ang laro ay magsisimula sa ganap na alas-2 ng hapon bago gawin ang FEU Tamaraws kontra UP Maroons sa ikalawang semis sa alas-4 ng hapon.
Ang La Salle (32 points) at FEU (30) ang kumuha sa unang dalawang puwesto sa pagtatapos ng elimination round ngunit di tulad sa mga nagdaang kompetisyon na may twice-to-beat advantage ang dalawang nangunang koponan, inalis na ito para mas magiging kapana-panabik ang aksyon.
Huling nagkampeon ang La Salle noon pang 1998 at nais din nilang maipaghiganti ang pagka-talo sa Ateneo sa semifinals sa Season 75.
Wala rin itulak-kabigin sa FEU at UP na parehong may mahuhusay na strikers na kayang magdomina sa laro.
Ang dalawang koponang ito ang nagtuos sa Finals noong nakaraang taon at ang Tamaraws ay sasandal sa Season 76 MVP na si Paolo Bugas bukod pa kay Eric Giganto.
Si Jinggoy Valmayor ang siyang aasahan sa Maroons.
- Latest