Kampeon sa 2015 ronda pilipinas ikalawa ni Barnachea
BAGUIO CITY, Philippines – Ilang buwan bago ang kompetisyon ay naging mas masidhi ang pagnanais ni Santy Barnachea na muling magkampeon sa pinakamalaki at pinakamayamang cycling event sa bansa.
Nagbawas siya ng timbang at seryosong nagpakondisyon.
Kaya naman ang lahat ng kanyang hirap ay nagbunga ng maganda.
Pormal nang hinirang ang tubong Umingan, Pangasinan na si Barnachea ng Navy Standard Insurance bilang overall champion ng Ronda Pilipinas 2015 na inihandog ng LBC kasabay ng pagsikwat sa premyong P1 milyon kahapon dito sa Burnham Park.
“Ito na ang pinaka-mabigat na karera ko kasi nga dahil na rin sa edad ko,” sambit ni Barnachea, ang inaugural champion ng Ronda Pilipinas noong 2011, na magdiriwang ng kanyang ika-39 kaarawan bukas.
“Mga ilang buwan ko ding pinaghandaan ito eh. Iyong training namin talagang mas mahirap kumpara dati. Nagbawas ako ng timbang para maging trim ako, tapos mabigat ang ginawa kong training kasama ang team (Navy),” dagdag pa nito.
Nagposte si Barnachea, nagkampeon sa Tour of Calabarzon noong 2002 at sa Padyak Pinoy noong 2006, ng aggregate time na 24 oras, 2 minuto at 44 segundo para pagharian ang karera.
Pumangalawa at pumangatlo naman sina Stage One winner George Oconer (24:09.41), ng PSC/PhilCycling at John Paul Morales (24:10.22) ng Navy para sa premyong P500,000 at P250,000, ayon sa pagkakasunod.
Inangkin din ni Morales, naghari sa Stage Seven 8.8-km Individual Time Trial sa oras na 00:28.32, ang Petron Sprint King award at pinitas ni Junrey Navarra ng PSC/PhilCycling ang Mitsubishi King of the Mountain sa ikatlong sunod na taon.
Si Stage Two winner Ronald Oranza ng Navy ang nagbida sa 74.5-km criterium sa kanyang bilis na 1:41.32 para sa premyong P30,000.
Ang Standard Insurance juniors (Under-23) trophy ay nakamit ni Carino, habang ang MVP Sports Foundation top 17-18 year-old award ay napasakamay ni Jay Lampawog ng 7-Eleven.
- Latest