8 ginto nakataya ngayon sa athletics sa NCAA
MANILA, Philippines - Magsisimula ngayon ang aksyon sa 90th NCAA track and field competition at hanap ng Jose Rizal University ang kanilang ikalimang sunod na titulo.
Mangunguna sa Heavy Bombers ang mag-asawang sina dating national coach Jojo Posadas at multi-gold medalist sa mga international competitios na si Elma Muros-Posadas bilang mga coaches ng koponan.
“Mas mabigat ngayon dahil lahat ng teams ay nagpalakas at naghanda. Basta kami, gagawin namin ang aming makakaya,” wika ni Jojo Posadas.
Ang St. Benilde, Perpetual Help, San Sebastian at Letran ang siyang magtatangka na putulin ang dominasyon ng Heavy Bombers sa liga.
Nakikita naman ni NCAA Management Committee chairman Paul Supan ng JRU na maraming bagong mukha ang madidiskubre sa season na ito at maaaring mapabilang sa national team sa hinaharap.
Ang Mapua ang host ng kompetisyon na gagawin sa Philsports Arena sa Pasig City at walong ginto ang paglalabanan agad sa araw na ito.
Ang mga gintong paglalabanan ay sa senior pole vault, long jump, discus throw at 100m run. Ang aksyon sa juniors ay sa discus throw, long jump, 100m at 200m steeplechase. (AT)
- Latest