Perez sa stage 5: Barnachea ‘di pa rin bumibitaw
DAGUPAN CITY, Philippines – Nakalusot si Dominic Perez ng 7-Eleven Roadbike Philippines sa huling 200 metro para angkinin ang Stage Five, samantalang lumamang naman ng halos pitong minuto si Santy Barnachea ng Navy Standard Insurance para manatiling overall leader.
Nagposte si Perez ng tiyempong tatlong oras, apat na minuto at 42 segundo para pamunuan ang Stage Five 140-km sa Ronda Pilipinas 2015 na inihahandog ng LBC kahapon dito sa Dagupan City Plaza.
Ito ang kauna-unahang stage win ng 20-anyos na si Perez, tubong Sto. Tomas, Pangasinan at isang dating mambubukid.
“Ratratan na ang labanan sa last 200 meters kaya mas lalo kong binilisan para makuha ‘yung panalo sa Stage Five,” sabi ni Perez, nakamit ang premyong P30,000.
Tinalo ni Perez sina John Renee Mier (Cebu), Jerry Aquino, Jr. (PSC/PhilCycling), Lloyd Lucien Reynante (Navy), El Joshua Carino (Navy), Lord Del Rosario (Mindanao), Roel Quintoy (Negros), Alfie Catalan (Army) at Edgar Nieto (composite team).
Ikinasa naman ni Barnachea ang aggregate time na 17:29:03 para patuloy na hawakan ang overall lead sa itaas nina Stage One winner George Oconer (17:36:41) ng PSC/PhilCycling, John Paul Morales (17:38:29) ng Navy, Cris Joven (17:40:33) ng Army, Stage Two winner Ronald Oranza (17:40:38) ng Navy, Reynante (17:40:44), Irish Valenzuela (17:41:05) ng Army, Elmer Navarro (17:41:15) ng Cebu, Stage Three winner Baler Ravina (14:41:52) ng 7-Eleven, at Nieto (17:42:19).
Sinabi ng 38-anyos na si Barnachea, ang inaugural champion noong 2011, na hindi na niya pakakawalan ang kanyang kalamangan.
“Magkakaalaman na sa Stage Six kung ano ang mangyayari. Pero siyempre, kumpiyansa ako sa tsansa ko,” ani Barnachea sa Stage Six 152-km na pakakawalan ngayon mula rito sa Dagupan City hanggang sa Burnham Park sa Baguio City via Naguilian Road.
Dalawang intermediate sprint at isang KOM (King of the Mountain) ang nakapaloob sa Stage Six na sinasabing magdedetermina sa kapalaran ni Barnachea.
Nakatakda naman bukas ang Stage Seven 8.8-km Individual Time Trial sa Sto. Tomas, Tuba Benguet sa umaga kasunod ang Stage Eight 90-km criterium sa Harrison Avenue sa hapon. (Russell Cadayona)
- Latest