Smart Prima Pasta Badminton championships: Mag-utol na Alcala makikipagsabayan
MANILA, Philippines - Hindi magpapadehado ang magkapatid na sina Malvinne Ann Venice at Mark Shelly Alcala sa paglarga ng SMART Prima Pasta Badminton Championships sa Pebrero 28 sa Power Smash sa Makati City.
Ang mga Alcalas ay maglalaro sa ilalim ng Allied Victor Badminton Club at inaasahan na magiging palaban sa kampeonato sa Open division.
Ang 15-anyos na si Mark ay gumawa ng pangalan sa mga malalaking torneo sa loob at labas ng bansa. Kabilang sa nilaruan ni Alcala ay sa Singapore Junior International Badminton Championships kung saan nanalo siya.
“Marky is a gem of an athlete. At his young age, he is already a force to reckon with,” wika ni Allied-Victor team manager Pacita Co.
Nagpahayag naman si Marky ng kahandaan na mapangunahan ang kompetisyon.
“I hope to play for the country and one step to make the national team is to win this tournament,” pahayag nito.
Sa kabilang banda, si Malvinne ang dating number one player ng bansa at tiyak na handang bigyan ng matinding kompetisyon ang nagdedepensang kampeon at kasamahan sa koponan na si Gelita Castillo.
Tinatayang nasa 1,800 ang badminton players na maglalaro sa kompetisyon at mahalaga ang makapagpakita ng magandang laro dahil kabahagi ito sa ranking tournament ng Philippine Badminton Association.
Ito ang ikalawang sunod na taon na ang SMART ay tutulong para maidaos ang laro at ginawa ito dahil ang chairman ng SMART na si Manny V. Pangilinan ay chairman din ng PBA at mahilig sa badminton.
- Latest