Lapaza handa nang idepensa ang titulo
MANILA, Philippines - Nakatakdang idepensa ni Reimon Lapaza ng Butuan City ang kanyang koronang napanalunan noong nakaraang taon sa pagpapakawala sa Ronda Pilipinas 2015 na inihahandog ng LBC sa Linggo sa Paseo Greenfield City sa Sta. Rosa, Laguna.
Sinabi ng 29-anyos na si Lapaza na pinaghandaan niya ang event matapos mapasama sa top five sa three-stage Visayas qualifier sa Dumaguete, Sipalay at Bacolod City noong nakalipas na taon.
“Naghahanda na ako last year pa at gusto kong maidepensa ang korona ko,” wika ni Lapaza.
Idinagdag ni Lapaza na si Mark Galedo, ang tinalo niya via come-from-behind victory noong 2014, pati na ang mga miyembro ng national team at Army, 7-Eleven at ang Navy-Standard Insurance riders ang inaasahang pipigil sa kanyang layuning maging two-time winner ng annual race na ikinukunsiderang pinakamalaki at pinakamayan sa Asia.
Bukod kay Galedo, binanggit din ni Lapaza ang pangalan nina 2012 Ronda champion Irish Valenzuela, 2011 inaugural winner Santy Barnachea at 2014 Luzon qualifier titlist Ronald Oranza na hahamon sa kanyang titulo.
Makakasama ni Lapaza sina Galedo, Barnachea Valenzuela, ang national team, ang composite European squad at halos 70-plus riders na nakapasama mula sa mga qualifiers sa Luzon at Visayas.
Kasama rito si Boots Ryan Cayubit ng 7-Eleven na nagkampeon sa Visayas leg at si Ronald Oranza na naghari sa Luzon phase.
- Latest