Energy ‘di nakaporma sa Batang Pier
Laro Bukas
(Smart Araneta Coliseum)
4:15 p.m. NLEX vs Talk ‘N Text
7 p.m. Alaska vs Rain or Shine
MANILA, Philippines - Mula sa masaklap na kabiguan noong Linggo ay bumangon ang Globalport para masolo ang ikaapat na posisyon.
Bumalikwas ang Batang Pier mula sa 10-point deficit sa first period para pabagsakin ang Barako Bull Energy, 99-81 sa 2015 PBA Commissioner’s Cup kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Kumamada si guard Terrence Romeo ng 24 points, habang kumolekta si import Calvin Warner ng 23 markers, 19 boards, 4 assists, 4 steals at 3 shotblocks para sa 3-3 record ngayon ng Globalport.
Nag-ambag si No. 1 overall pick Stanley Pringle ng 14 points, 8 rebounds at 2 assists.
“The players responded well. The loss to Meralco was a lesson to us. We have to finish the game,” sabi ni Batang Pier rookie coach Eric Gonzales sa 84-86 kabiguan sa Meralco Bolts noong nakaraang Linggo.
Kinuha ng Barako Bull ang 27-17 abante sa opening period bago nakabawi ang Globalport para sa kanilang 10-point lead, 59-49 sa 4:47 minuto sa third quarter mula sa drive ni Pringle.
Huling nakalapit ang Energy sa 62-66 sa third quarter bago muling nakalayo ang Batang Pier sa 89-75 sa huling 1:18 minuto.
Naglista si 7-foot-2 import Solomon Alabi ng 37 points, 27 rebounds at 2 shotblocks para pamunuan ang Barako Bull, nalasap ang ikalawang sunod na kabiguan matapos ang 3-0 panimula.
Kasalukuyan pang naglalaban ang nagtatanggol sa koronang Purefoods at ang Kia habang isinusulat ito.
Globalport 99 - Romeo 24, Warner 23, Pringle 14, Isip 14, Buenafe 7, Jensen 7, Miranda 4, Semerad 4, Caperal 2, Taha 0, Ponferada 0, Pinto 0, Nabong 0, Baclao 0, De Ocampo 0.
Barako Bull 81 - Alabi 37, Lastimosa 12, Lanete 11, Pascual 6, Garcia 5, Intal 4, Chua 2, Matias 2, Hubalde 2, Salvador 0, Mercado 0, Marcelo 0, Salva 0, Paredes 0, Sorongon 0.
Quarterscores: 17-27; 45-44; 66-62; 99-81.
- Latest