Sweep sa Lady Eagles diretso sa finals
Laro sa Sabado
(Filoil Flying V Arena)
8 a.m. UST vs ADMU (M)
10 a.m. AdU vs NU (M)
2 p.m. UE vs UST (W)
4 p.m. AdU vs FEU (W)
MANILA, Philippines - Kinumpleto ng Ateneo Lady Eagles ang makasaysayang kampanya sa elimination round sa 77th UAAP women’s volleyball nang kunin ang 14-0 sweep sa pamamagitan ng 25-20, 21-25, 25-23, 27-25, panalo laban sa karibal na La Salle Lady Archers kagabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Ang mahalagang larong ito na may live gate attendance na 13,345 ay nakitaan ng pagpapakilala sa bihirang gamitin na si Jhoana Louisse Maraguinot na nagpakawala ng career-high na 10 puntos upang bigyan ng dagdag opensa ang Lady Eagles.
Si Maraguinot ang siyang tumapos sa paghahabol ng Lady Archers na mapaabot ang laro sa deciding fifth set nang kunin ang magkasunod na puntos matapos ang huling tabla sa 25-all para magdiwang ang mga sumusuporta sa nagdedepensang kampeon.
May 29 puntos, mula sa 24 kills, tatlong aces at dalawang blocks si Alyssa Valdez habang ang biglang naglaro na si Isabelle De Leon ay may 11 puntos, tampok ang tatlong blocks.
Si De Leon ay napahinga ng ilang laro dahil sa injury sa daliri.
May 20 puntos, tampok ang 17 kills si Ara Galang pero siya lamang ang nasa double-digits para sa Lady Archers upang malagay sa ikalawang puwesto sa 12-2 baraha.
Ang Ateneo ay dumiretso na sa Finals at magkakaroon ng thrice-to-beat advantage sa katunggali na manggagaling sa step-ladder semifinals.
Ito ang unang pagkakataon na naka-sweep sa elimination ang Ateneo at ikalawang koponan pa lamang matapos ang La Salle na nagrehistro ng ganitong pangyayari noong nakaraang taon.
Bago ito ay sinelyuhan ng National University Lady Bulldogs ang ikatlong upuan sa semifinals sa pamamagitan ng 25-18, 22-25, 26-24, 25-19, tagumpay laban sa Adamson Lady Falcons.
Naglista ng 25 hits ang 6’4 na si Jaja Santiago mula sa 18 kills bukod pa ang anim na blocks, si Rizza Jane Mandapat ay may 12 hits at siyam na digs habang si Myla Pablo ay may 11 puntos para ibigay sa koponan ang ikapitong panalo matapos ang 13 laro.
- Latest