Para sa thrice-to-beat advantage sa Finals, Ateneo wawalisin ang La Salle
MANILA, Philippines – Puwesto sa Finals ang pagsisikapang makamtan ngayon ng Ateneo Lady Eagles sa pagharap sa karibal na La Salle Lady Spikers sa 77th UAAP women’s volleyball ngayon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Tiyak na dadagundong ang kaloob-looban ng MOA para sipatin ang tampok na laro na mapapanood dakong alas-4 ng hapon.
Sa kauna-unahang pagkakataon sa taong ito ay tatlong laro sa kababaihan ang matutunghayan at pawang mahalaga rin ang makukuhang resulta ng mga magtatapat.
Upuan sa Final Four ang makukuha ng NU Lady Bulldogs kung manalo sila sa Adamson Lady Falcons sa ganap na alas-12 ng tanghali habang tatargetin ng UP Lady Maroons na kapitan ang mahalagang ikaapat na puwesto sa pagbangga sa walang panalong UE Lady Warriors dakong alas-4.
Tinalo ng nagdedepensang kampeon Lady Eagles ang Lady Archers sa limang sets, 25-22, 25-27, 16-25, 25-14,15-9, sa unang pagtutuos noong Enero 11.
Kung manalo pa ang Ateneo, makukumpleto nila ang 14-0 sweep para umabante na sa Finals at hahawakan ang thrice-to-beat advantage sa koponang lulusot sa step-ladder semifinals.
“Wala kaming ibang iniisip kundi ito ang magiging last game sa elimination. Maghahanda kami tulad sa mga naunang mga laro namin,” wika ni Ateneo team captain Alyssa Valdez.
Mataas din ang morale ng La Salle na may six-game winning streak. Huling koponan na kanilang pinabagsak ay ang Adamson, 25-13, 25-15, 25-17, at ang ipinakita ng Lady Archers sa larong ito ay nagpapatibay kay coach Ramil de Jesus sa tsansang manalo.
“May paghuhugutan kami dahil ang mga gusto kong makita sa team ay naipakita na nila,” ani De Jesus.
Tiyak na ang tapatang Valdez at Ara Galang ang tututukan ng mga manonood pero hindi pahuhuli ang tapatang Amy Ahomiro at Mika Reyes at Julia Morado at Kim Fajardo. (AT)
- Latest