Hapee kumakaway sa titulo
Laro sa Huwebes (Ynares Sports Arena, Pasig City)
3 p.m. Hapee vs Cagayan
MANILA, Philippines – Ginamit ng Hapee Fresh Fighters ang isang 15-0 bomba sa unang yugto para layuan ang Cagayan Rising Suns tungo sa 82-74 panalo sa Game One ng PBA D-League Aspirants’ Cup Finals kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Si Ola Adeogun ay naghatid ng 21 puntos, 15 rebounds at tatlong shot blocks at walo rito ay kanyang ginawa sa huling 2:11 ng unang yugto upang mapasiklab ang naturang run na nagtulak sa Fresh Fighters sa 29-11 panalo.
Ang katuwang sa front line na si 6’7 Troy Rosario ay mayroong ding 16 puntos at anim dito ay kanyang inihatid sa unang 10 minuto ng tagisan.
Ang pinagsamang 14 puntos nina Rosario at Adeogun ay higit pa ng tatlong puntos sa kabuuang iskor ng Rising Suns.
Si Arthur dela Cruz ay nag-ambag din 11 puntos para makapagdomina ang mga malalaking manlalaro ni coach Ronnie Magsanoc sa mga katapat tungo sa mahalagang 1-0 kalamangan sa maigsing best-of-three finals series.
Puwede ng kunin ng nagbabalik na Hapee ang titulo kung makaulit sila sa Huwebes sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Ang top rookie pick na si Moala Tautuaa ay may solidong 16 puntos, 15 rebounds at tatlong assists habang sina Michael Mabulac at Don Trollano ay mayroong 14 at 13 puntos.
Pero ang shooter na si Fil-Am Abel Galliguez ay nalimitahan lamang sa tatlong puntos upang ang Rising Suns na naghatid ng 95 points average sa semifinals laban sa Cebuana Lhuillier, ay namemeligro na mabigo sa hangaring pagtikim ng kauna-unahang kampeonato sa ikalawang pagtapak sa championship round.
“Cagayan is averaging close to 100 points kaya kailangang maganda ang depensa para malimitahan ang scorers nila,” wika ni Magsanoc.
Sa pagbubukas ng ikatlong yugto ay tila nag-relax ang Fresh Fighters at agad na kinapitalisa ito ni Trollano na nagbagsak ng walong puntos para idikit ang Cagayan sa apat, 50-46.
Pero naroon uli si Adeogun na naghatid ng pito sa siyam na puntos na ginawa sa yugto, habang si Baser Amer ay mayroong pang limang puntos para ilayo uli ang Hapee sa 13, 67-54.
Bago ang laro ay iginawad muna ng pamunuan ang MVP award kay Bobby Ray Parks Jr. bilang pagkilala sa magandang pagdadala sa star-studded team na Hapee.
Tumapos si Parks taglay lamang ang anim na puntos dahil na rin sa magandang ginawa ng mga malalaking kasamahan.
- Latest