90th NCAA beach volleyball tournament Lady Stags kontra Lady Generals sa finals
SUBIC BAY, Philippines – Sa bisa ng kanilang dalawang panalo sa tatlong laro sa semifinal round ay umabante sina Emilio Aguinaldo College tandem Charmille Belleza at Clara Camille Lozada sa final round ng women’s division sa 90th NCAA beach volleyball competition dito sa Boardwalk kahapon.
Matapos makalasap ng 12-21, 19-21 kabiguan kina Gretchel Soltones at Bea Uy ng San Sebastian, bumangon sina Belleza at Lozada sa pamamagitan ng paggupo kina Angelica Legacion at Elaine Sagun ng Arellano University, 15-21, 22-20, 15-11, at paggiba kina Jamela Suyat at Vhima Condada ng Perpetual Help, 21-18, 21-19, para pumasok sa finals ng torneo.
Inayos nina Belleza at Lozada ang kanilang rematch nina Soltones, ang Shakey’s V-League veteran, at Uy sa finals.
Nabigo naman sina Legacion at Uy na maipagpatuloy ang kanilang arangkada matapos walisin ang kanilang siyam na laro sa elimination round kasama ang mga panalo sa San Sebastian at EAC.
Hindi nanalo ang dalawa sa kanilang tatlong laban sa semifinals.
Sa men’s play, itinakda nina Marjun Alingasa at Johnvic de Guzman ng St. Benilde at Philip Bagalay at Paul John Cuzon ng Mapua ang kanilang title showdown.
Sinibak nina De Guzman at Alingasa sina Juvie Mangaring at Kerth Melliza ng EAC, 21-16, 21-12, habang tinalo sina Jack Kalingking at Rey Taneo, 21-10, 21-13, at isinunod sina Bagalay at Cuzon, 26-24, 21-14, sa semis.
Bumangon naman sina Bagalay at Cuzon sa naturang kabiguan kina De Guzman at Alingasa makaraang payukurin ang Altas, 21-17, 14-21, 15-11, at ang Generals, 19-21, 21-19, 15-10.
- Latest