Paglapit sa titulo asam ng Hapee, Cagayan
Laro Ngayon (The Arena, San Juan City)
3 p.m. – Hapee Fresh Fighters vs Cagayan Rising Suns (Game 1, Finals)
MANILA, Philippines – Sa pagkikita ng dalawang talentadong koponan, ang makakauna sa isang maigsing serye ang kaagad na makakalamang.
Sa linyang ito ay asahan ang walang-puknat na bakbakan sa pagitan ng Hapee Fresh Fighters at Cagayan Rising Suns sa pagsisimula ngayon ng best-of-three title series para sa PBA D-League Aspirants’ Cup.
Sa The Arena sa San Juan City magaganap ang labanan at ang mananalo ay magkakaroon ng pagkakataon na maiuwi ang kampeonato sa Game Two sa Huwebes (Pebrero 19) sa Ynares Arena sa Pasig City.
Kung magkaroon ng Game Three, ito ay mangyayari sa Pebrero 23 sa Ynares Arena sa Pasig venue.
Napahinga ng bahagya ang Hapee dahil dalawang laro lamang ang kinailangan nila para patalsikin ang Café France Bakers sa semifinals series.
Sa kabilang banda, bumangon ang Rising Suns mula sa pagkatalo sa unang laro at winalis ang huling dalawang tagisan para mamayani sa Cebuana Lhuillier Gems.
Naniniwala si Cagayan coach Alvin Pua na napaganda ang extended na laro sa Gems dahil mas nahasa ang kanyang mga alipores sa mga larong puno ng pressure tulad ng mangyayari sa championship series.
“Makakatulong itong nakuha naming experience. Championship na kaya dapat na higitan namin ang aming ipinakita,” wika ni Pua.
Hindi natalo ang Cagayan sa single-round elimination (11-0) at kasama sa kanilang pinataob ay ang Hapee ni coach Ronnie Magsanoc , 80-77.
Tiyak naman na mas preparado ang Hapee na harapin ang Cagayan ngayon upang mas gumanda ang tsansang makuha ang kampeonato sa kanilang pagbabalik sa amateur basketball.
“We just have to prepare ourselves for the championship. I hope we can bring out the best out of them,”wika ni Magsanoc na hinubog ang koponan para maging No. 1 defensive team ng liga.
Sina Bobby Ray Parks, Jr., Garvo Lanete at Nigerian import Ola Adeogun ang gagabay sa Hapee.
- Latest