Bulls hiniya ang Kings
CHICAGO – Inihanda ni Tony Snell ang kanyang sarili na maglaro sa anumang sandali.
“All that matters is that I’ve got to stay ready,” sabi ni Snell. “If I go in, just try to do the best I can. If not, cheer my team on.”
Kumamada ang second-year guard ng career-high 24 points mula sa 9 for 11 fieldgoal shooting para tulungan ang Chicago Bulls sa 104-86 paglampaso sa Sacramento Kings.
Humakot naman si Pau Gasol ng 26 points at 16 rebounds - ang kanyang NBA-best na ika-34 double-double sa season at pang-13 sunod at nagdagdag si Derrick Rose ng 23 points.
Ngunit ang ratsada ni Snell sa second half bilang kapalit ni Jimmy Butler (strained right shoulder) at mahigpit na depensa kay Rudy Gay ng Kings ang sinandigan ng Bulls.
Pinangunahan ni Gay ang Sacramento sa kanyang 24 points, ngunit nalimitahan ni Snell sa 9 points sa second half.
Nagsalpak naman si Snell ng 4 for 6 sa 3-pointers.
Kinuha ng Bulls ang 57-49 abante sa halftime bago iwanan ang Kings sa third period mula sa isang 23-8 run para ilista ang 80-57 kalamangan papasok sa fourth quarter.
Sa iba pang resulta, tinalo ng Houston ang Phoenix, 127-118; giniba ng Detroit ang Charlotte, 106-78; pinayuko ng Memphis ang Brooklyn, 95-86; at nilusutan ng Denver Nuggest ang Los Angeles Lakers, 106-96.
- Latest