WBO president ‘di kumbinsidong matutuloy ang Pacquiao-Mayweather fight
MANILA, Philippines – Sa isang malaking laban na kagaya nina Manny Pacquiao at Floyd Mayweather Jr., hindi ito basta-basta napaplantsa.
Kaya naman marami ang kumukuwestiyon sa nangyayaring negosasyon sa pagitan ng mga kampo nina Pacquiao at Mayweather.
Isa na rito si World Boxing Organization president Francisco ‘Paco’ Valcarcel na nagsabing maraming bagay na dapat isaalang-alang para tuluyan nang maitakda ang super fight nina Pacquiao at Mayweather.
“I’m not sure the fight will happen,” ani Valcarcel sa panayam ng FightHype. “I’ll believe that fight will happen the day they sign a contract and show the contract to the press and everybody at a press conference. But I got my doubts.”
Matapos mag-usap sina Pacquiao at Mayweather sa hotel suite ng Filipino world eight-division champion sa Miami, Florida ay wala pang inilalabas na pahayag ang dalawa tungkol sa kanilang laban.
Sa kanyang pagbabalik sa Pilipinas noong Sabado ng gabi ay sinabi ni Pacquiao na malapit nang ihayag ang kanilang laban ni Mayweather.
Ayon kay Valcarcel, kailangan ding isama sa usapin ang mga networks na HBO at Showtime na siyang nagsasaere ng mga laban nina Pacquiao at Mayweather, ayon sa pagkakasunod.
Kaya naman hindi naniniwala si Valcarcel na mangyayari ang Pacquiao-Mayweather mega showdown.
- Latest