Ronda Visayas leg pakakawalan ngayon
DUMAGUETE CITY, Philippines – Magsisimula ngayon ang paghahanap ng mga siklistang maglalaban-laban para sa titulo ng Ronda Pilipinas 2015 na handog ng LBC sa pagsisimula ng tatlong araw na Visayas qualifier dito.
Ang Stage One ngayong umaga ay isang 172.7-kilometrong karera mula Negros Oriental Provincial Capitol hanggang Sipalay sa Negros Occidental.
Magpapatuloy ang qualifying sa Huwebes sa isang Bacolod-Bacolod race habang ang huling yugto sa Biyernes ay ang Negros Oriental Provincial Capitol hanggang Cadiz. Sunod nito ay ang Luzon qualifying mula Pebrero 17-18.
“The race is on,” wika ni Ronda executive director Moe Chulani matapos ang huling pagpupulong sa mga siklista na ginawa kahapon sa Bethel Guest House.
Ang pagpapalista ng mga kasali ay hanggang ngayong umaga pero tiyak na ang pagsali ng mga de-kalibreng siklista sa karerang may basbas ng PhilCycling at suportado ng MVP Sports Foundation, Petron at Mitsubishi.
Nangunguna sa talaan ng kakarera ay ang 2013 Ronda champion na si Irish Valenzuela. Kasali rin sina Cris Joven, Alvin Benosa, Baler Ravina, Ronnel Hualda at ang magkakapatid na sina Junvie, Jaybop at Jetley Pagnanawon ng Cebu.
Ang mga Mindanao riders ay pinahintulutan ding sumali dahil nakansela ang dapat ay dalawang araw na qualifying race bunga ng usapin sa seguridad.
Nasa 50 elite at apat na junior riders ang kukunin matapos ang karera para makasama sa championship round na gagawin mula Pebrero 22 hanggang 27.
Nilinaw din ni Chulani na may qualifying time rin na dapat na maabot ng mga siklistang nasa top 50 puwesto para mabigyan ng pagkakataon na umabante sa championship round at mapalaban sa P1 milyong gantimpala para sa kikilaning kampeon ng edisyon.
- Latest