Cagayan nais i-host ang 2016 Palarong Pambansa
MANILA, Philippines – Patikim pa lamang ang 2015 SCUAA National Olympics sa kakayahan bilang punong-abala ng Tuguegarao City, Cagayan.
Ito ang sinabi ni Governor Alvaro T. Antonio nang ihayag ang pagnanais na itaguyod sa mga nasasakupan ang Palarong Pambansa sa 2016.
Binalita ni Antonio na sa Hunyo matatapos ang P400-milyong People’s Coliseum na matatagpuan sa 10-ektaryang Cagayan Sports Complex.
Ito ay isang 10,000-seater venue habang sinimulan na ang pagpapalawig sa grandstand at ang dormitory na puwedeng tirahan ng mga atleta at opisyal na sasali sa Palaro.
“We intend to bid for the Palarong Pambansa. We want to show that we have the best facilities in the entire country and to be the bastion of sports activities in the region,” wika ni Antonio.
Sa Luzon gagawin ang Palaro sa susunod na taon at kung mapipili ang Tuguegarao City, ito lamang ang lalabas na ikatlong pagkakataon na sa Siyudad ng Cagayan gagawin ang pinakamalaking kompetisyon na kinatatampukan ng mga mag-aaral sa pampubliko at pampribadong paaralan.
Noong 1949 at 1981 ang mga taong ginawa ang Palaro sa nasabing lugar.
Tiniyak din ni Antonio na hindi lamang sa pasilidad sila makikilala kundi makikita rin ng lahat ang galing ng kanilang atleta kung maibibigay ang hosting.
“We are not only looking at a successful hosting but also to win in the competition,” pahayag pa ng 62-anyos na ama ng lalawigan.
Pinangunahan ni Antonio ang pag-welcome sa humigit-kumulang na 5,000 atleta sa makulay na opening ceremony kahapon.
Nasa 19 regular at dalawang demonstration sports ang paglalabanan sa kompetisyong magtatapos sa Sabado. (AT)
- Latest