MVP Sports Foundation pararangalan ng PSA
MANILA, Philippines – Hindi lamang ang basketball ang sinusuportahan ni businessman-sportsman Manny V. Pangilinan kundi maging ang walong National Sports Association.
Itinatag ang MVP Sports Foundation Inc. apat na taon na ang nakakalipas na may misyong matulungan ang grassroots development at elite programs ng walong national sports associations.
“Here’s a perfect opportunity, a perfect vehicle to further help Philippine sports, while at the same time, encourage everyone to live like a winner by leading a more active and healthier lifestyle,” sabi ni Pangilinan nang ilunsad ang foundation noong 2011.
Bukod sa basketball, ang iba pang sports na nasa ilalim ng naturang foundation ay ang boxing, taekwondo, badminton, football, cycling, tennis at running.
At unti-unti ay nakakamit ni Pangilinan ang mga resulta.
Sumegunda ang Gilas Pilipinas sa 2013 Fiba-Asia Men’s Championship at nakasikwat ng tiket para sa Fiba World Cup sa unang pagkakataon matapos ang apat na dekada, ang Philippine Azkals ay pinakamagaling na football team sa Southeast Asian region at nagbigay ang cycling ng kauna-unahang gold medal sa Asian Games mula kay BMX rider Daniel Caluag.
Sa pagkilala sa kanyang naibigay sa Philippine sport sa maikling panahon, gagawaran ng Philippine Sportswriters Association (PSA) ang MVP Sports Foundation Inc. ng kauna-unahang Sports Patron of the Year honor sa Annual Awards Night na inihahandog ng MILO at San Miguel Corp sa susunod na linggo sa 1Esplanade Mall ng Asia Complex.
Si Caluag, ang tanging gold medal winner ng bansa sa Incheon Asiad, ang nasa unahan ng honor list para sa Feb. 16 event, suportado ng Smart, MVP Sports Foundation at ng Meralco bilang principal sponsors at ang Philippine Sports Commission bilang major sponsor, dahil ang 27-anyos na siklista ang tatanggap ng PSA Athlete of the Year award.
- Latest