David vs Goliath
Walang nakapagsabi na tatalunin ng Kia ang San Miguel Beer sa PBA Commissioner’s Cup nung nakaraang Miyerkules sa Smart Araneta Coliseum.
Kahit mismo ang players ng Kia o kaya ang assistant coach na si Chito Victolero o ang team manager na si Eric Pineda ay nagulat nang kunin nila ang 88-78 na panalo.
Super dehado ang Kia dahil naman sa record nito sa PBA. Sa buong Philippine Cup, iisang panalo lang ang nakamit nito laban sa Blackwater.
Ang San Miguel naman ay ang bagong kampeon nung nakaraang conference.
Nagulat din ako nang makita ko sa TV na lamang ang Kia sa first half. Pero gaya siguro ng karamihan naisip kung titiklop din ito sa dulo.
Hindi ito nangyari.
Kahit na nawala ang higanteng import na si PJ Ramos sa fouls mahigit apat na minuto pa ang nalalabi ay kumapit ang Kia.
Kung sinu-sino ang umiskor. Inalat naman ang San Miguel.
Kaya sa kaduluhan ay nanalo nga ang Kia. Parang nag-champion ang Kia at hanggang sa dugout ay may picture taking pa sila.
Sayang at wala ang head coach na si Manny Pacquiao nang bingwitin ng Kia ang napakalaking isda sa PBA.
Bakas sa mukha ng boss ng Kia team--si Gina Domingo, ang saya nang i-focus siya ng camera sa closing seconds ng laro.
Nag-bonus siguro ang Kia sa mga players.
Agad daw nakausap ni Victolero si Pacquiao na nasa Amerika nang ganapin ang laro. Hindi na nasabi kung ano ang napag-usapan nila.
Siguradong happy si coach Manny sa panalo.
Kumbaga sa boxing, isang matchup na Pacquiao vs Dela Hoya.
Masundan pa sana ang panalo ng Kia.
- Latest