Isa na lang sa Hapee, Cebuana
Laro sa Lunes
(The Arena, San Juan City)
2 p.m. Cebuana Lhuillier vs Cagayan
4 p.m. Café France
vs Hapee
MANILA, Philippines - Lumapit sa isang panalo ang Hapee Fresh Fighters para makapasok sa PBA D-League Aspirants’ Cup finals nang hiyain uli ang Café France Bakers, 74-58, sa pagbubukas ng Final Four kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Itinulak naman ng Cebuana Lhuillier Gems sa bingit ng pagkakatalsik sa kompetisyon ang naunang walang talong Cagayan Valley Rising Suns sa inangking 89-85 panalo sa ikalawang laro.
May 20 puntos si Garvo Lanete at kalahati rito ay kanyang ginawa sa first half na nakatulong para iwanan ng Fresh Fighters ang Bakers ng 13 puntos, 39-26.
May dalawang 3-pointers si Lanete nang magsimulang lumarga ang Hapee sa 14-5 palitan para maisantabi ang apat na puntos kalamangan ng Bakers na nasa unang pagkakataon na nakatapak sa semifinals.
Si Lanete lamang ang manlalaro ni coach Ronnie Magsanoc na nasa double-digits ngunit hindi nakaapekto ito dahil nakita uli ang ipinagmamalaking matibay na depensa ng koponan nang magtala lamang ng 58 puntos ang Bakers.
Ang Hapee ang number one defensive team ng liga sa ibinibigay na 59.55 sa elimination round.
“They are a disciplined team and I expect them to bounce hard so we have to prepare,” wika ni Hapee coach Ronnie Magsanoc.
Sina Joseph Sedurifa at Rodrigue Ebondo ay mayroong tig-11 puntos para sa Bakers na nagtala lamang ng 26 percent shooting sa field sa 18-of-68 marka. May limang triples lamang ang kanilang naipasok matapos ang 34 attempts.
Sinandalan ng Gems ang split ni Norbert Torres sa huling 14 segundo para maisantabi ang pagkawala ng 26-puntos kalamangan (37-11) sa first half.
“We take each game like a championship. But Cagayan won their first 11 games and they are capable of coming back,” wika ni Zamar.
Abante pa ng 15 puntos ang Gems, 81-66, nang pakawalan ng Cagayan ang 19-7 palitan, na winakasan ng triple ni John Tayongtong, upang makapanakot sa 88-85 iskor.
Ang mga guards na sina Simon Enciso, Almond Vosotros, Allan Mangahas at Clark Bautista ay nagsanib sa 62 puntos at silang nagkapit-kamay para sa malakas na panimula ng Gems na unang sinilat ang number three seed Jumbo Plastic Giants sa quarterfinals.
- Latest