Konting detalye na lang, swak na ang mega fight
MANILA, Philippines – Hanggang walang pormal na pahayag sina Manny Pacquiao at Floyd Mayweather, Jr. ay hindi pa maaaring sabihin na tuloy na ang kanilang mega showdown sa Mayo 2 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
Ito ay sa kabila ng sinasabing pagkakasundo nina Pacquiao at Mayweather sa mga detalye ng kanilang inaabangang banggaan.
“No, I’m aware of the report, but there are still some contractual issues to work out. It’s (the fight) close but not done yet,” sabi ni Bob Arum ng Top Rank Promotions ukol sa ulat ng TMZ, ang nangungunang celebrity gossip at entertainment news portal.
Nauna nang pumayag ang 36-anyos na si Pacquiao sa 40/60 purse split na pabor sa 37-anyos na si Mayweather pati na ang pagsailalim sa isang Olympic-style random drug at blood testing.
Sa kanilang pag-uusap sa hotel suite ni Pacquiao sa Miami kamakailan ay sinabihan ni Mayweather si ‘Pacman’ na siya na ang gagawa ng formal announcement tungkol sa kanilang super fight.
Kaya naman nitong mga huling araw ay walang pahayag si Pacquiao sa kanyang Twitter at Instagram accounts.
Maliban kina Pacquiao at Mayweather, kasama rin sa usapan ang mga networks na Showtime/CBS at HBO para sa inaasahang pagbasag sa pay-per-view record sa boxing.
Ang Filipino world eight-division champion na si Pacquiao ay nasa bakuran ng HBO, habang may exclusive contract si Mayweather sa Showtime/CBS.
- Latest