PABA umatras sa hosting ng East Asia Baseball Championship
MANILA, Philippines - Mamamahinga ang sport ng baseball kung ang paglahok sa mga international tournaments ang pag-uusapan.
Hindi kasama ang baseball sa mga sports na lalaruin sa Singapore SEA Games sa Hunyo at ang dapat na hosting ng Pilipinas sa Marso ay hindi na rin matutuloy.
Sa panayam kay Marty Eizmendi na siyang kinikilalang pangulo ng Philippine Amateur Baseball Association (PABA) ng Philippine Olympic Committee (POC), sinabi niyang hindi kaya ng bansa na gawin ang East Asia Baseball Championship at ito ay naipahayag na niya sa Baseball Federation of Asia (BFA).
May BFA meeting na gagawin sa Pebrero at naniniwala si Eizmendi na sa pagpupulong na ito malalaman kung anong bansa ang magiging host ng torneo.
Dahil walang sasalihang kompetisyon, ang PABA ay nakikipag-ugnayan ngayon sa POC para maayos ang kanilang Constitution at By Laws upang maisagawa na ang halalan na babasbasan ng National Federation.
Matatandaan na noong nakaraang taon ay pinangunahan ni PABA chairman Tom Navasero ang isang General Assembly na nagresulta sa isang eleksyon na kung saan ang mga taong nagmamahal sa baseball katulad nina Atty. Felipe Remollo, Martin Cojuangco, Pepe Muñoz at Eladio Baradas ay iniluklok bilang board members.
Pero hindi ito kinatigan ng POC upang manatiiling nakaupo bilang pangulo si Eizmendi. (AT)
- Latest