Pirates, Gems kumakasa pa
Laro sa Lunes
(San Juan Arena)
2 p.m. Cebuana Lhuillier
vs Jumbo Plastic
4 p.m. Café France
vs Bread Story -Lyceum
MANILA, Philippines - Pinatunayan ng Bread Story-Lyceum Pirates na hindi sila puwedeng biruin ng Café France Bakers nang sorpresahin nila ito sa 79-72 panalo sa pagsisimula ng PBA D-League Aspirants’ Cup quarterfinals kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Lumamang ng hanggang 24 puntos ang Pirates (55-31) bago nagsikap bumangon ang Bakers at nakadikit sa dalawa, 70-68, sa huling 1:41 ng labanan.
Ngunit hindi tumiklop ang tropang hawak ni Bonnie Tan at si Louie Vigil ay kumana ng mahalagang 3-pointer bago sinundan ng anim na puntos galing kay Jiovani Jalalon para manatiling buhay ang paghahabol sa makasaysayang pagtatapos sa unang paglahok sa liga.
Ginapi rin ng Cebuana Lhuillier Gems ang Jumbo Plastic Giants, 63-53, sa isa pang laro para mauwi rin sa isa’t-isa ang kanilang match-up.
May sapat pang lakas ang Gems sa unang yugto na kanilang dinomina, 19-9, para makakawala mula sa 44-all iskor sa pagtatapos ng ikatlong yugto.
Bunga nito, magkakaroon ng dalawang sudden death na laro sa Lunes para malaman kung sino ang aabante sa Final Four na kung saan ang Cagayan Valley Rising Suns at Hapee Fresh Fighters ay naghihintay ng makakatunggali.
Tumapos si Jalalon taglay ang 21 puntos na siya ring ginawa ni Jackson Corpuz bukod sa 10 rebounds na nakuha rin ang ikaapat na sunod na panalo.
May 14 puntos si Maverick Ahanmisi habang sina Joseph Sedurifa at Gelo Alolinoay may12 at 10 puntos para sa Bakers na nakitang natapos ang limang sunod na panalo sa kabiguang nalasap.
Masuwerte ang tropa ni coach Edgar Macaraya dahil bitbit nila ang twice-to-beat bentahe para magkaroon pa ng isang pagkakataon na makausad sa semifinals sa unang pagkakataon. (ATan)
- Latest