Corteza di kinaya si Boening
MANILA, Philippines – Naubos si Lee Van Corteza sa krusyal na yugto ng kompetisyon para malasap ang 2-11 pagkatalo kay Shane Van Boening sa 2015 Derby City Bigfoot 10-Ball Challenge na ginawa sa Horseshoe, Southern Indiana.
Nawala ang naunang magandang tumbok na naipakita ni Corteza at nakaiskor lamang siya ng panalo sa rack three at nine para makontento sa pangalawang puwesto.
Nakapasok si Corteza sa finals nang talunin sina Rodney Morris (11-8), Mika Immonen (11-10) at ang kababayang si Jeff Ignacio (11-7). Sa huling dalawang laro ay naghabol si Corteza at tila nakaapekto ito sa ipinakita sa championship game.
Ito ang ikatlong Bigfoot 10-Ball title ni Van Boening pero ang naunang dalawa ay nangyari noon pang 2011 at 2012 edisyon.
Halagang $16,000 ang premyong nakuha ng US player habang si Corteza ay nakontento sa $8,000.00 gantimpala.
Ang nagdedepensang kampeon na si Dennis Orcollo ay nasibak kay Ignacio sa quarters, 11-8, at sila ni Ignacio ay nag-uwi ng $4,000.00 premyo nang nagsalo sa 3rd place.
Hindi rin kumapit ang suwerte kay Efren “Bata” Reyes na natalo kay Shannon Daulton sa semifinals ng Derby Classic 9-Ball Banks, 3-2.
Ang 60-anyos na si Reyes ay nagtangka na gumawa ng kasaysayan sa Derby City Classic bilang kauna-unahang manlalaro na nanalo sa 9-Ball, One Pocket at 9-Ball Banks. (AT)
- Latest