Khan ‘di papayag labanan si Pacquiao sa catchweight
MANILA, Philippines – Kung maitatakda ang kanilang banggaan ni Manny Pacquiao ay hindi papayag si Amir Khan na labanan ang Flipino world eight-division champion sa catchweight.
Ito ang pahayag ni Khan sa panayam ng Fight Hype.com kaugnay sa posible nilang paghaharap ng dati niyang ka-sparring na si Pacquiao sa Mayo 30 sakaling bumagsak ang negosasyon para sa super fight nina ‘Pacman’ at Floyd Mayweather, Jr.
“You know, because I’m so used to 147 and I built myself up to 147, I think 147 is just an ideal weight for me. I wouldn’t want to go lower or higher. Let’s just stick to 147,” ani Khan.
Ilang beses nang lumaban sa catchweight si Pacquiao kung saan ang pinakahuli ay kontra kay 5-foot-11 Chris Algieri noong Nobyembre ng nakaraang taon kung saan anim na beses niya pinabagsak ang American challenger para sa kanyang unanimous decision victory.
Sinabi ni Khan (30-3-0, 19 KOs) na wala siyang balak bumaba mula sa welterweight division para labanan si Pacquiao (57-5-2, 38 KOs) sa catchweight.
“Manny’s fought at 147 numerous times. Obviously Algieri was coming up from 147. I’m already a full-on 147 fighter, so the fight would probably be made at 147. Plus, you know, the title would be on the line there as well,” dagdag pa ni Khan.
Nagkita na sina Pacquiao at Khan kamakalawa sa London at sinabi ng Sarangani Congressman na malaki ang posibilidad na mangyari ang kanilang banggaan ng dati niyang sparmate.
Bagama’t pumayag na si Pacquiao sa lahat ng kondisyones ni Mayweather (47-0-0, 26 KOs) ay wala pang kumpirmasyon ang American world five-division titlist kung payag itong labanan ang Filipino boxing superstar sa Mayo 2 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
- Latest