Lady Tamaraws at Tigresses magpapataas ng kartada sa UAAP women’s volleyball
Laro Ngayon
(The Arena,
San Juan City)
8 a.m. – La Salle
vs UE (m)
10 a.m.- UP vs FEU (m)
2 p.m. – UE vs FEU (w)
4 p.m. – Adamson
vs UST (w)
MANILA, Philippines - Mga koponang nasa huling apat na puwesto sa team standings ang magtutuos para umangat sa kani-kanilang puwesto sa 77th UAAP women’s volleyball ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Haharapin ng FEU Lady Tamaraws ang UE Lady Warriors sa ganap na alas-2 ng hapon at pakay na wakasan ang dalawang sunod na pagkatalo na naglagay sa kanila sa ikaanim na puwesto bitbit ang 3-5 baraha.
Matapos manalo sa National University Lady Bulldogs noong Disyembre 13, natalo ang Lady Tamaraws sa UST Tigresses sa pagtatapos noong Enero 10 bago dumapang muli sa La Salle Lady Archers noong Miyerkules.
Inaasahang babangon ang FEU sa larong ito dahil ang Lady Warriors ay hindi pa nakakatikim ng panalo matapos ang walong asignatura.
Pagsisikapan ng UST ang makatikim ng back-to-back win sa liga sa pagharap sa Adamson Lady Falcons sa ikalawang laro sa alas-4 ng hapon.
Tinapos ng Tigresses ang limang sunod na pagkatalo sa pamamagitan ng 21-25, 27-25, 25-16, 25-23 panalo laban sa Lady Tamaraws.
Sina Pam Lastimosa, Carmela Tunay at Marivic Meneses ang mga mangunguna bilang mga beterano ng koponan pero kailangang may ibang mukha ang lumutang tulad sa nangyari sa huling laro matapos maghatid ng 16 hits si Cherry Ann Rondina.
Ipantatapat ng Lady Falcons ang mga mahuhusay na sina Mylene Paat, Amanda Villanueva, Faye Janelle Guevara at Jessica Galanza para maitabla ang karta matapos ang walong laro at makatabla ang pahingang UP Lady Maroons sa ikaapat na puwesto.
- Latest