Laban sa Lady Stags at Jr. Pirates sa National Collegiate Athletic Association finals Lady Chiefs, Jr. Altas puntirya ang titulo
Laro Ngayon
(The Arena,
San Juan City)
9 a.m. – Lyceum
vs Perpetual Help (jrs)
12 nn – San Sebastian vs Arellano (w)
2 p.m. – St. Benilde
vs EAC (m)
MANILA, Philippines - Pagkakataon ngayon ng Perpetual Help Junior Altas, Arellano Lady Chiefs at St. Benilde Blazers na kilalanin bilang pinakamahuhusay na koponan sa 90th NCAA volleyball sa pag-asinta ng titulo na gagawin sa The Arena sa San Juan City.
Kalaro ng Junior Altas ang Lyceum Junior Pirates sa alas-9 ng umaga at balak kunin ang ikatlong sunod na panalo laban sa katunggali.
Ang huling panalo ng Perpetual ay nakuha noong Miyerkules sa dominanteng 25-19, 25-19, 25-11 sa Game One ng kanilang best-of-three title series.
Ang Lady Chiefs at San Sebastian Lady Stags ang magtutuos sa ikalawang laro sa alas-12 ng tanghali sa women’s division bago sundan ng pagkikita ng Blazers at Emilio Aguinaldo College Generals sa alas-2 ng hapon sa men’s division.
Lumapit ang Arellano sa posibleng kauna-unahang titulo sa liga nang daigin ang multi-titled na Lady Stags, 25-18, 25-15, 20-25, 25-19, habang ginulat ng Blazers ang paboritong Generals, 27-25, 25-20, 23-25, 26-24, sa Game One ng kanilang mga serye.
Aasa ang Lady Chiefs sa husay nina Danna Henson, CJ Rosario, Menchie Tubiera at Rialen Sante, nagsanib sa 57 hits sa series opener, para sa makasaysayang pagtatapos.
Tiyak na gagawin ang lahat ng Lady Stags upang pigilan ang asam na panalo ng Lady Chiefs.
Si Gretchel Soltones lamang ang nag-iisang manlalaro ng Baste na nasa double-digits sa unang pagkikita sa kanyang 20 hits, tampok ang 17 kills.
Ang lakas ni Johnvic De Guzman ang ipaparada ng Blazers pero malaking papel ang gagampanan ng setter na si Rentor Relata.
May 39 excellent sets si Relata sa Game One.
Kung magkakaroon ng Game Three, ito ay paglalabanan sa Enero 26.
- Latest