Pacquiao kumpiyansang mananalo sa Mayo 2; Mayweather sinisi si Arum sa mabagal na negosasyon
MANILA, Philippines - Bagama’t hindi pa pormal na nakukumpirma ang kanilang laban ni Floyd Mayweather, Jr. ay kumpiyansa si Manny Pacquiao na tatalunin niya ang American world five-division titlist.
Ipinahayag ito ni Pacquiao sa kanyang Twitter account na @MannyPacquiao kahapon.
“I can easily beat @FloydMayweather, I believe that,” wika ni Pacquiao, nanguna sa Los Angeles movie premiere ng ‘Manny’ kasama ang asawang si Jinkee at director na si Ryan Moore sa Hollywood, California.
Pumayag na si Pacquiao sa lahat ng kondisyones ni Mayweather para lamang matuloy ang kanilang banggaan sa Mayo 2 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
Binigyan na kamakalawa ng deadline ng 36-anyos na si Pacquiao (57-5-2, 38 KOs) ang 37-anyos na si Mayweather (47-0-0, 26 KOs) ng hanggang katapusan ng buwan para pirmahan ang kanilang fight contract.
“If you really care about the fans, you will fight. If you care about yourself... you won’t fight. #MannySmile,” wika ni Pacquiao.
Sa isang panayam ay sinabi naman ni Mayweather na mismong si Bob Arum ng Top Rank Promotions ang nagpapaantala sa negosasyon para sa kanilang mega bout ni Pacquiao.
“It’s not Pacquiao, it’s his promoter. A lot of times, when Pacquiao says, ‘I agreed’ – you don’t have nothing to do with this; you’re not a boss,” ani Mayweather. “On a chess board, you’re a pawn.”
Ipinagmalaki ni Mayweather na siya ang boss ng kanyang sariling promosyon, habang sunud-sunuran lamang si Pacquiao kay Arum.
“You have a boss, that’s called Top Rank Promotions. It’s not called Pacquiao Promotions. With my company, it’s called Mayweather Promotions,” sabi ng American fighter.
Hindi pa pormal na nakukumpirma ang naturang laban, ngunit inilagay na ng mga oddsmakers sa Las Vegas si ‘Pacman’ bilang underdog.
“Everyone had me as a big underdog to @OscarDeLaHoya too. If @FloydMayweather fights me boxing will get an even bigger upset victory,” sagot naman ng Sarangani Congressman. (RCadayona)
- Latest