Ivanchuk ‘di umubra kay So
MANILA, Philippines – Tinalo ni Grandmaster Wesley So si GM Vassily Ivanchuk ng Ukraine para tumibay ang paghahangad ng titulo sa 77th Tata Steel Masters sa Wijk an Zee, The Netherlands noong Linggo.
Ang dating pambato ng Pilipinas na kinakatawan na ngayon ang USA nang nagdesisyon na lumipat ng pederasyon, ay nagsakripisyo ng isang pawn para tumibay ang kingside attack.
Dahil walang makitang malulusutan, si Ivanchuk ay nag-resign matapos ang 26 moves.
Ito ang unang pagkatalo ni Ivanchuk para maiwan si So na natatanging manlalaro na wala pang talo sa kanyang tatlong panalo at limang tabla karta.
Magkaganito man, si So ay nasa ikalawang puwesto kasama sina French GM Maxime Vachier-Lagrave at Chinese GM Ding Liren sa 5.5 puntos habang si GM Magnus Carlsen ng Norway ang nagsosolo sa unang upuan sa anim na puntos.
Ang ikalimang sunod na panalo ni Carlsen ay nakuha laban kay Georgia GM Baadur Jobava matapos ang 50-move gamit ang Irregular Opening game.
Nagpahinga ang 13-round, Category 20 tournament kahapon at magbabalik ngayong gabi at kalaban ni So si Vachier-Lagrave.
- Latest