Galedo babalikat sa Pinas sa 6th Le Tour
MANILA, Philippines - Ang nagdedepensang si Mark John Lexer Galedo ang mangunguna sa laban ng Pilipinas sa sixth edition ng Le Tour Filipinas na nakatakda sa Pebrero 1-4.
Ang 29-anyos na si Galedo ang pinakamatanda sa PhilCycling national team ngunit sanay na sa mga mabibigat na kompetisyon.
Nagkampeon siya sa Le Tour ilang buwan matapos angkinin ang gintong medalya sa individual road race ng 2013 Southeast Asian Games sa Myanmar.
Makakatulong ni Galedo para sa 2015 Le Tour na inihahandog ng Air21 kasama ang MVP Sports Foundation at Smart si Romald Lomotos, ang pinakabata sa grupo sa edad na 20-anyos at No. 267 sa kontinente.
Kasama rin sa grupo sina George Oconer (No. 161), Incheon Asian Games veteran Ronald Oranza (No. 255) at Jun Rey Navarra.
“These young riders are the future of Philippine cycling,” sabi ni PhilCycling president Tagaytay City Rep. Abraham “Bambol” Tolentino.
Idinagdag ni Tolentino na ang naturang mga riders ay maaaring ilahok sa 2015 Asian Cycling Championships na nakatakda sa Pebrero 10-14 sa Thailand.
Magbabalik naman sa karera ang 7-Eleven-Road Bike Philippines sa Le Tour, suportado ng Victory Liner, San Mig Zero, Novo Nordisk Pharmaceuticals Phils. at Canon bilang mga major sponsors.
Ang nasabing koponan ay kinabibilangan nina Filipino Cris Joven, Edgar Nohales Nieto at Angel De Julian Vasquez ng Spain at Kenny Nijssen ng Netherlands.
Hindi pa pinapangalanan ang pang-lima nilang miyembro.
Kabuuang 12 continental teams at dalawang national squads ang sasabak sa Le Tour, ang brainchild ni Air21 at PhilCycling chairman Bert Lina at inorganisa ng Ube Media.
Ang mga continental teams na kasali sa Le Tour ay ang Team Novo Nordisk (USA), ang unang professional cycling team na binubuo ng mga riders na may Type 1 Diabetes, ang RTS Santic Racing Team at Attaque Team Gusto ng Taiwan, Singha Infinite Cycling Team ng Thailand, Navitas Satalyst Racing Team ng Australia, CCN Cycling Team ng Brunei, Pegasus Continental Cycling Team ng Indonesia, Terengganu Cycling Team ng Malaysia at ang Bridgestone Anchor Cycling Team ng Japan.
- Latest