De La Hoya ‘di naniniwalang matutuloy ang laban nina Pacquiao at Mayweather
MANILA, Philippines - Naging karibal siya ni Bob Arum ng Top Rank Promotions sa pagtatakda ng mga malalaking boxing card.
Kaya hindi maiwasang pag-isipan ng masama ang pinakabagong pahayag ni Oscar De La Hoya ng Golden Boy Promotions kaugnay sa pinaplantsang mega showdown nina Manny Pacquiao at Floyd Mayweather, Jr.
Sa isang panayam sa BoxingScene.com ay sinabi ni De La Hoya na hindi siya naniniwala na matutuloy ang Pacquiao-Mayweather super fight sa Mayo 2 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
Ito, ayon sa boxing promoter, ay bunga ng pagkakaroon ng komplikasyon sa ilang bagay.
“I want that fight to happen, but I have a feeling that it’s not going to happen,” wika ni De La Hoya. “Bob (Arum) and Pacquiao already conceded to everything. They have their deal in place. So now they are waiting on Mayweather.”
“I just don’t think Mayweather wants to fight Pacquiao. I don’t think it’s going to happen,” dagdag pa nito.
Halos limang taon nang pinipilit maitakda ang Pacquiao-Mayweather fight.
Ngunit palaging nababasura ang negosasyon dahil sa isyu sa hatian sa premyo, pagsailalim sa isang Olympic-style random blood at drug testing, petsa at venue.
Kamakailan ay inihayag ni Arum na pumayag na si Pacquiao (57-5-2, 38 KOs) sa lahat ng kondisyones ni Mayweather (47-0-0, 26 KOs) para lamang matuloy ang kanilang upakan.
Kabilang dito ay ang pagpayag ng Filipino world eight-divsion champion sa 40-60 purse split kung saan inaasahang makakakuha siya ng $40 milyon kumpara sa $120 milyon ng American world five-division titlist.
“My promoter and I, we agreed to all that (Mayweather) wants,” ani Pacquiao sa kanyang pagbisita sa ‘The Today Show’ sa United States kamakalawa. “We’re just waiting for the signed contracts to make it happen. I think it’s time for him to say yes because of the calling of the fans. Not me; the fans want it all over the world.” (Russell Cadayona)
- Latest