AsaPhil ihahanda ang mga koponan para sa SEAG
MANILA, Philippines - Hindi ipagbabakasakali ng Pilipinas ang gagawing pagdedepensa sa dalawang softball titles sa darating na Southeast Asian Games sa Singapore.
“Gagawin ng AsaPhil ang lahat ng puwedeng gawin para manatili sa Pilipinas sa titulo sa men’s at women’s softball,” wika ni Randy Dizer, isa sa miyembro ng coaching staff ng Blu Girls at director ng AsaPhil.
Bagama’t patok ang Blu Girls, magpapalakas pa rin ang koponan sa paghugot ng tatlong Fil-Americans.
Sa kabilang banda, mas tututukan ng AsaPhil ang preparasyon sa kalalakihan dahil lumasap ito ng pagkatalo sa Indonesia sa 2014 Asian Men’s Softball Championship sa Singapore noong Disyembre.
Isang 8-9 pagkatalo ang nalasap ng Blu Boys sa Indonesia sa elimination pero binawi nila ito mula sa dikitang 4-3 panalo sa Page System semifinals.
Tumapos ang Pilipinas sa ikalawang puwesto sa ilalim ng Japan upang umabante sa World Men’s Championship sa Saskatoon, Canada.
Ang World Championship ay gagawin mula Hunyo 26 hanggang Hulyo 5 at ito ay sampung araw lamang matapos ang SEA Games na pakakawalan sa Hunyo 5-16.
May plano rin ang AsaPhil na pagsanayin sa ibang bansa ang men’s at women’s national team.
Balak ipadala ang Blu Girls sa Australia o sa Chinese-Taipei, habang ang Blu Boys ay planong dalhin sa Australia o New Zealand.
Hinihintay na lamang ng men’s team ang mga detailed service ng mga atletang kabilang sa Armed Forces of the Philippines (AFP) para makapagsimula na ng pagsasanay.
Sa Marso naman magsisimula ang paghahanda ng women’s team dahil ang iba ay naglalaro pa sa kasalukuyan sa UAAP. (ATan)
- Latest