PVF tuloy ang election
MANILA, Philippines - Itutuloy ng Philippine Volleyball Federation (PVF) ang kanilang halalan sa Enero 25 magpadala man o hindi ng kinatawan ang Philippine Olympic Committee (POC).
“Yes,” wika ni Rustico Camangian na siyang secretary general ng PVF. “We’re all moving forward. We will continue the plans and development programs of the PVF.”
Naniniwala ang liderato ng PVF na nasa tama ang kanilang hakbang lalo pa’t nabuo na ang mga paksyon sa loob ng samahan.
Pero para sa POC, wala ng halaga ang magaganap na eleksyon dahil hindi na kinikilalang miyembro ang PVF.
“Technically, the PVF is not an NSA under the POC. There is no existing NSA for volleyball right now,” wika ni POC 1st Vice President Jose Romasanta.
Si Romasanta na tinokahan ng POC na mangasiwa sa ipadadalang volleyball team sa SEA Games sa Singapore, ang siya ring sinasabing uupo bilang bagong pangulo ng volleyball na babasbasan ng POC at makikilala bilang Larong Balibol ng Pilipinas (LBP).
Ipinaliwanag ni Romasanta na nawala sa talaan ang PVF dahil may dalawang listahan ng mga opisyales na nakatala sa Securities and Exchange Commission (SEC).
Idinagdag pa ni Romasanta na noong Disyembre 12 ay nagpaalam ang PVF sa POC para sa gagawing eleksyon pero ipinaliwanag na nila na hindi puwede itong basbasan dahil sa problema sa SEC.
Sinisi rin ng POC ang PVF sa nangyaring problema dahil hindi rin nila ipinaalam ang pagbabago na ginawa sa SEC.
- Latest