PSC hawak na ang dokumento ng CIAC
MANILA, Philippines - Handa na ang mga dokumento para pormal na ipagkatiwala sa Philippine Sports Commission (PSC) ang 50-ektaryang lupain na nasa pamamahala ng Clark International Airport Corporation (CIAC) sa Pampanga.
Ayon kay PSC chairman Ricardo Garcia, may kopya na siya ng kontrata na nagsasaad na ang PSC ang mamamahala sa lupain sa loob ng 25 taon sa halagang P1 centavos kada taon.
Ang lupa ay balak pagtayuan ng makabagong training facilities para makalipat na ang mga Pambansang atleta mula sa makasaysayang Rizal Memorial Sports Complex sa Vito Cruz, Manila.
“Renewable ito kung gusto ng magkabilang panig. Hawak na namin ang kontrata at itatakda na lamang kung kailan magkakapirmahan ang dalawang panig,” wika ni Garcia.
Pero hindi pa makakilos ang PSC kung ang pagpapatayo ng mga pasilidad ang pag-uusapan dahil hindi pa rin tumutugon ang Department of Justice (DOJ) na kanilang hiningian ng legal opinion kung puwede pang isauli ang RMSC sa Siyudad ng Maynila.
Naunang plano ay ang isauli ang pamamahala sa Manila kapalit ng P3.5 bilyon na siyang gagamitin para sa pagpapatayo ng pasilidad sa Clark.
Isa ring opsyon ay ang humingi ng tulong pinansyal sa Malacañang ngunit mas mahirap ito dahil may ibang prayoridad ang Palasyo.
Aminado naman si Pampanga First District Congressman Joseller “Yeng” Guiao na tumutulong para maisakatuparan ang paglipat ng mga atleta sa mas maayos na pasilidad, na wala pang malinaw na pagkukuhanan ng pondo para sa konstruksyon ng mga pasilidad. (AT)
- Latest