Bakers kuha ang twice-to-beat sa quarters
MANILA, Philippines - Nagising sa tamang panahon ang Café France para mapigilan ang upset na hatid ng AMA U sa 74-68 overtime panalo at tuluyang selyuhan ang ikatlong puwesto sa PBA D-League Aspirants’ Cup kahapon sa JCSGO Gym sa Cubao, Quezon City.
Binuhay ni Rodrique Ebondo ang malamig na opensa ng Bakers sa ikaapat na yugto nang naisantabi ng koponan ang 45-56 iskor sa huling apat na minuto sa laro.
Pumalit si Samboy de Leon sa extra period nang maghatid ng anim sa kanyang 14 puntos para hagipin ng tropa ni coach Edgar Macaraya ang ikawalong panalo matapos ang 10 laro.
“We showed we could bounce back despite playing bad basketball. This is good for us as we go into the quarterfinals,” ani Macaraya na hawak na ang twice-to-beat advantage sa quarterfinals nang tinalo sa isa ring overtime game ang Cebuana Lhuilier Gems.
Tumapos si Ebondo bitbit ang 18 puntos at 10 rebounds habang si Maverick Ahanmisi ay nagbigay pa ng 17 puntos at 12 rebounds.
May 23 puntos si James Martinez para sa Titans na namaalam na sa nalasap na ikapitong pagkatalo matapos ang 10 laro.
Kumapit pa ang Gems sa hangaring maagaw ang ikalawang twice-to-beat sa 85-62 panalo laban sa Wangs Basketball Couriers habang ang MJM M-Builders ay nagwagi sa MP Hotel Warriors, 93-68.
Gumamit ang Gems ng 12-3 palitan sa pagtatapos ng ikatlong yugto para makalayo mula sa 51-47 iskor.
Hindi na pinabangon pa ng Gems ang Couriers para umangat sa 5-4 baraha.
Kailangan ng Gems na manalo sa huling dalawang laro at manalangin na matalo ang pahingang Jumbo Plastic Giants sa kanilang huling dalawang asignatura para malagay sa ikaapat na puwesto at angkinin ang bentahe sa quarterfinals.
Kung magtabla ang Cebuana Lhuillier at Jumbo Plastic, ang Giants ang kukuha sa insentibo dahil tinalo nila ang Gems sa kanilang unang pagtutuos.
- Latest