Blazers hiniya ang Lakers sa bakuran
LOS ANGELES--Gumawa si Damian Lillard ng 17 sa kanyang 34 puntos sa fourth period para tulungan ang Portland Trail Blazers sa 106-94 panalo sa Lakers sa NBA.
Ito ang ika-27 panalo sa huling 32 laro ng Portland para sa 30-8 kabuuang baraha, nakatulong pa ang 15 puntos at siyam na rebounds galing kay LaMarcus Aldridge at 12 puntos at siyam na assists galing kay Chris Kaman.
Ipinagpahinga ni LA coach Byron Scott si Kobe Bryant sa ikalawang sunod na laro at pang-anim sa huling 11 asignatura.
Lumaban ang Lakers at nagawa pang lumamang sa 73-72, sa layup ni Nick Young.
Pero gumanti ang Blazers ng 17-3 palitan na pinagningas ng triple ni Meyers Leonard tungo sa paglista ng panalo.
Sa Atlanta, tinuka ng Hawks ang kanilang ikawalong sunod na panalo sa pamamagitan ng 120-89 demolisyon sa Washington Wizards.
May 19 puntos si Kyle Korver, si Al Horford ay may 15 at sina Paul Millsap, Jeff Teague at Mike Scott ay naghatid ng tig-11 puntos.
Sinahugan ni Teague ang magandang ipinakita sa paglista ng 10 assists para palawigin pa ng Hawks ang pinakamagandang home record sa NBA sa 16-3.
Sa huling yugto, tumira ang Hawks nang hawakan ang 33-12 bentahe para tambakan ang Wizards.
Sa Sacramento, kumamada si DeMarcus Cousins ng 26 points at 13 rebounds para igiya ang Kings sa 103-84 tagumpay laban sa Cleveland na hindi pa rin naasahan ang kanilang star player na si LeBron James na patuloy na ginagambala ng strained back at sore left knee injury.
Nagdagdag si Rudy Gay ng 23 points para sa Kings na ipinalasap sa Cavaliers ang ikapitong kabiguan matapos ang walong laro.
Tumapos si Kevin Love ng 25 puntos at humatak ng 10 rebounds para sa Cavaliers.
- Latest