Aldridge tinulungan ang Blazers sa panalo
PORTLAND, Oregon –Tumirada si LaMarcus Aldridge ng 25 points at ipinalasap ng Portland Trail Blazers sa Orlando Magic ang pang-anim na sunod na kabiguan nito sa bisa ng 103-92 panalo.
Nagtala si Aldridge ng 10 of 22 fieldgoal shooting para itabla ang Blazers (29-8) sa Golden State Warriors para sa pinakamaraming panalo sa NBA ngayong season.
Umiskor si Wesley Matthews ng 18 points, kasama rito ang dalawang free throws na nagbigay sa Blazers ng 87-85 abante sa huling 3:56 minuto.
Ang Portland ay may limang players na nasa double figures.
Kaagad na kinuha ng Blazers ang 24-9 abante sa first quarter at lumamang ng 19 points sa first half bago nakalapit ang Magic sa 70-72 sa third quarter.
Humakot naman si Nikola Vucevic ng career-high 34 points at 16 rebounds para banderahan ang Magic (13-27).
Sa Minneapolis, umiskor si Austin Daye ng season-high 22 points at naglista ng 10 rebounds para tulungan ang San Antonio Spurs sa 108-93 panalo laban sa Minnesota Timberwolves, nakamit ang kanilang ika-15 sunod na kamalasan.
Nagdagdag si Patty Mills ng 19 points kasunod ang 13 ni Tim Duncan para sa Spurs (23-15) na hindi nakuha ang serbisyo nina injured Manu Ginobili at Marco Belinelli.
Sa Chicago, humakot si Pau Gasol ng career-high 46 points at 18 rebounds para pagbidahan ang 95-87 panalo ng Bulls laban sa Milwaukee Bucks.
Naglaro ang Bulls nang wala sina starters Derrick Rose at Mike Dunleavy na parehong may injury.
Sa iba pang resulta, tinalo ng Charlotte ang New York, 110-82; giniba ng Detroit ang Brooklyn 98-93; tinakasan ng Philadelphia ang Indiana, 93-92; pinatumba ng Toronto ang Boston, 109-96; dinaig ng Houston ang Utah, 97-82; at pinabagsak ng Los Angeles Clippers ang Dallas Mavericks, 120-100.
Sa New Orleans, nagkasundo ang Memphis Grizzlies, Boston Celtics at ang Pelicans para sa five-player trade na magdadala kay forward Jeff Green mula sa Boston papunta sa Memphis.
Wala pang pormal na pahayag ang NBA kaugnay nito.
Mapupunta si forward Tayshaun Prince sa Boston galing sa Memphis at dadalhin si forward Quincy Pondexter sa New Orleans buhat sa Memphis.
Si guard Austin Rivers, ang 10th overall pick noong 2012, ay mapupunta sa Boston mula sa New Orleans at si 2014 second-round pick Russ Smith ay dadalhin sa Memphis buhat sa New Orleans.
Ibibigay din ng Memphis ang isang protected first-round draft choice sa Boston at ang isang second-rounder sa New Orleans.
- Latest