Lady Eagles hangad ang ikaanim na panalo sa pagsagupa sa dehadong Lady Warriors
Laro Ngayon
(The Arena, San Juan City)
2 p.m. – UE vs Ateneo (w)
4 p.m. – FEU vs UST (w)
MANILA, Philippines - Matapos mapahirapan sa huli nilang laro, inaasahang madaling laro ang haharapin ng nagdedepensang Ateneo Lady Eagles dahil kasukatan nila ang wala pang panalong University of the East Lady Warriors sa 77th UAAP women’s volleyball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Sa ganap na alas-2 ng hapon magsisimula ang tagisan at magkakaroon ng pagkakataon ang Lady Eagles na pantayan sa unahang puwesto ang pahingang La Salle Lady Archers kung mahahagip ang ikaanim na sunod na panalo.
Dumaan sa butas ng karayom ang Ateneo bago dinaig ang University of the Philippines Lady Maroons sa limang mahigpitang sets noong Enero 4.
Nangapa ang nagdedepensang kampeon dahil ito ang kanilang unang laro sa liga matapos noong Disyembre 6.
Wala pang panalo ang Lady Warriors matapos ang anim na laro at hindi malayong madugtungan ang kanilang losing streak lalo pa at higit na mas mataas ang lebel ng laro ngayon ng Ateneo.
Mas magiging maaksyon ang ikalawang laro sa alas-4 ng hapon sa pagkikita ng Far Eastern University Lady Tamaraws at ang minamalas na University of Sto. Tomas Tigresses.
Balak ng Lady Tamaraws ang solohin ang ikatlong puwesto kung makukuha ang ikaapat na panalo matapos ang pitong laro.
Pero asahan na gagawin ng Tigresses ang lahat ng makakaya para tapusin ang limang sunod na pagkatalo matapos manaig sa straight sets kontra sa UE.
Ang mahusay na rookie na si Ennajie Laure ay nakikitaan ng ganda ng laro pero dapat ay masuportahan siya ng mga beterano para manatiling buhay ang paghahangad ng UST na makalaro sa Final Four.
Ang huling koponan na tumalo sa España-based team ay ang National University Lady Bulldogs sa loob ng limang sets. (ATan)
- Latest