Lady Chiefs swak sa finals ng NCAA volley
MANILA, Philippines - Tinapos ng Arellano Lady Chiefs ang dalawang taon na pagiging kampeon ng Perpetual Help Lady Altas nang angkinin ang 17-25, 27-25, 29-27, 25-23 panalo sa 90th NCAA women’s volleyball tournament kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Sina Danna Henson at Menchie Tubiera ay nagsanib sa 30 kills para tulungang ibangon ang Lady Chiefs mula sa pagkatalo sa unang set at makarating sa ikalawang sunod na finals stint.
May 17 hits si Henson, habang si Tubiera ay may 16 at sina Cristine Joy Rosario at Jovielyn Prado ay nagsanib sa 17 hits.
Sina Ma. Lourdes Clemente, Ana James Diocareza, Cindy Imbo at Jamela Suyat ay naglista ng 18, 17, 15 at 14 hits pero hindi nila nagawang kumunekta ng mahahalagang puntos sa ikatlo at apat na sets para mamaalam na sa liga ang Lady Altas.
Nanatili namang buhay ang pag-asa ng multi-titled San Sebastian Lady Stags na lumaban sa titulo nang talunin ang St. Benilde Lady Blazers, 25-22, 25-21, 26-24.
Umiskor si Gretchel Soltones ng 24 points. (AT)
- Latest