Atlanta Hawks dinagit ang ikaanim na sunod na panalo
ATLANTA -- Tumipa si guard Jeff Teague ng 25 points, tampok dito ang isang three-pointer sa kanilang arangkada, para tulungan ang Hawks sa 96-86 paggupo sa Memphis Grizzlies sa banggaan ng dalawang NBA contenders.
Nakamit ng Hawks, may best record sa Eastern Conference sa kanilang 27-8 baraha, ang kanilang ikaanim na sunod na panalo, habang nalaglag ang Grizzlies (25-10) sa ikatlong puwesto sa Western Conference.
Humugot si Teague ng 5 points sa isang 12-2 atake ng Atlanta sa huling tatlong minuto sa fourth quarter.
Umiskor ang Hawks ng 10 points at ang tanging basket ng Grizzlies sa naturang yugto ay mula sa dunk ni Spaniard Marc Gasol sa natitirang 13 segundo.
Nagdagdag si Kyle Korver ng 14 points, habang nag-ambag si Paul Millsap ng 11 points at 9 rebounds para sa Atlanta.
Gumawa naman si Pero Antic ng 13 markers kasunod ang 12 ni Al Horford.
Pinangunahan ni Mike Conley ang Memphis sa kanyang 17 points at may 16 ni Gasol.
Sa Cleveland, umiskor si James Harden ng 21 points, habang humakot si Dwight Howard ng 17 points at 19 rebounds para pamunuan ang Houston Rockets sa 105-93 panalo laban sa Cavaliers, naglaro sa ikaanim na sunod na pagkakataon na wala si superstar LeBron James.
Naglunsad ang Rockets ng 15-5 atake sa fourth quarter para ipalasap sa Cavaliers ang pang-pitong kabiguan nito sa huling siyam na laro.
Nagsalpak si Corey Brewer ng dalawang 3-pointers at umiskor ng walong sunod na puntos sa naturang ratsada ng Houston.
Umiskor naman si Kyrie Irving ng season-high na 38 points kasunod ang 17 ni Kevin Love na humakot ng 16 rebounds para sa Cavaliers, natalo sa kanilang ikaapat na sunod na laro sa Cleveland.
Hindi nakaiskor si J.R. Smith sa loob ng 19 minuto sa kanyang Cleveland debut.
Nakuha ng Cavaliers ang unpredictable guard mula sa Knicks kasama si guard Iman Shumpert.
Sinabi ni James na maglalaro siya sa susunod na linggo matapos ang pagkakaroon ng strained back at knee.
Muling pumasok sa trade ang Cavaliers matapos kunin si 7-foot-1 center Timofey Mozgov mula sa Denver kapalit ng kanilang dalawang first-round draft picks.
Kinuha ng Cavaliers ang 74-73 sa third quarter bago naghabol sa Rockets sa 79-80 agwat mula sa tres ni Matthew Dellavedova.
Tumipa naman si Howard ng basket at umiskor si Brewer ng dalawang tres at dalawang free throws para ilayo ang Houston sa 88-79.
Ang tres ni Harden ang nagbigay sa Rockets ng 98-86 bentahe sa huling 2:19 minuto.
- Latest