Roach tiwalang maitatakda ang Pacquiao-Mayweather fight
MANILA, Philippines - Kung may laban mang gustung-gustong mangyari si chief trainer Freddie Roach, ito ay ang banggaan nina Manny Pacquiao at Floyd Mayweather, Jr.
Kaya naman mas lalong nanabik si Roach nang makausap si Bob Arum ng Top Rank Promotions kaugnay sa pagtatakda ng super fight nina Pacquiao at Mayweather ngayong taon.
Sa panayam ng The Sweet Science kahapon, sinabi ni Roach na nakausap niya si Bob Arum ng Top Rank Promotions at positibo ang kanyang natanggap na kasagutan.
“I think I’m getting close to saying it’s very close, I think we’re very close,” sabi ni Roach sa panayam ng The Sweet Science.
Halos limang taon nang tinatangkang plantsahin ang laban ng 36-anyos na si Pacquiao (57-5-2, 38 KOs) at ng 37-anyos na si Mayweather (47-0-0, 26 KOs).
Ngunit hindi ito maitakda bunga ng mga isyu hinggil sa hatian sa prize money at pagsailalim sa isang Olympic-style random drug at blood testing.
Subalit iba ang nararamdaman ni Roach, isang five-time Trainer of the Year awardee.
“It’s close. I think I know for a fact that it’s closer than ever,” sabi ni Roach sa mega showdown nina Pacquiao at Mayweather.
Kamakailan ay sinabi ni Mayweather na handa siyang labanan ang Filipino world eight-division champion sa Mayo 2, 2015.
Sinabi naman Pacquiao na maniniwala lamang siya kung makikita niya ang lagda ng American world five-division titlist sa fight contract.
At habang hindi ito nangyayari ay patuloy ang angasan nina Pacquiao at Mayweather sa social media.
Nagposte kamakalawa si Mayweather sa Instagram ng kanyang litrato kasama ang mga mamahalin niyang sports car na Bugatti Veyron, Bugatti Gran Sport, Ferrari 458 Spider, Lamborghini Aventador, Porsche 911 Turbo S at Ferrari 599 GTB Fiorano.
Nasa background din ang isang private jet para ipamukha kay Pacquiao ang kanyang kayamanan.
“Floyd brags about his lifestyle and everything! I don’t care! I’m just waiting here for him to sign the contract! #fightpacquiao,” sagot ni Pacquiao sa kanyang Instagram.
- Latest