Pacquiao-Mayweather fight dapat nang mangyari -- WBC president
MANILA, Philippines – Maaaring maapektuhan ang suporta ng kanilang mga tagahanga sakaling hindi na naman mapaplantsa ang banggaan nina Manny Pacquiao at Floyd Mayweather, Jr. ngayong taon.
Ito ang sinabi ni World Boxing Council (WBC) president Mauricio Sulaiman kaugnay sa patuloy na paghihintay ng mga boxing fans sa Pacquiao-Mayweather super fight.
“I hope they make it. There can’t be any egos and people (negotiating) are only looking at the business side,” wika ni Sulaiman. “I feel there are the egos involved and economically there is so much money involved that everyone can have their egos satisfied.”
Halos limang taon nang tinatangkang itakda ang banggaan ng 36-anyos na si Pacquiao (57-5-2, 38 KOs) at ng 37-anyos na si Mayweather (47-0-0, 26 KOs).
Ang mga isyung bumabalot dito ay ang hatian sa prize money at pagsailalim sa isang Olympic-style random drug at blood testing.
Kamakailan ay tinanggap ni Mayweather ang hamon sa kanya ni Pacquiao.
Sinabi ni Mayweather na handa siyang labanan ang Filipino world eight-division champion sa Mayo 2, 2015.
Ngunit ayon kay Pacquiao, maniniwala lamang siya kung makikita niya ang mismong lagda ng American world five-division titlist sa fight contract.
Sinabi ni Sulaiman na dapat nang mangyari ang Pacquiao-Mayweather mega showdown ngayong taon.
“It is a necessary fight. I think if it does not happen soon, then people are going to get tired or even give up,” wika ni Sulaiman.
Kung muling hindi magkakasundo ang mga kampo nina Pacquiao at Mayweather ay may iba pang opsyon ang kanilang mga promoters.
“Right now, there are so many fight combinations being discussed, that the public will move on (to something else if there is no deal),” dagdag pa ng WBC chief.
Sinabi ni Bob Arum ng Top Rank Promotions na maraming maaaring itapat kay Pacquiao at hindi lamang si Mayweather. (RC)
- Latest