Alaska, San Miguel simula na ang giyera
MANILA, Philippines – Magkaroon ng momentum sa mahabang serye ang pag-aagawan ng San Miguel Beer at Alaska Milk sa pagsisimula ng PBA Philippine Cup best-of-seven championship series ngayong gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Sa ganap na alas-7 ng gabi magsisimula ang tunggalian at inaasahang magiging balikatan ang labanan ng Beermen at Aces lalo pa’t parehong galing sa magagandang panalo sa semifinals ang dalawang nabanggit na koponan.
Hindi pinaporma ng Beermen ang Talk ‘N Text nang walisin ang kanilang serye habang nakitaan ng tikas ang buong Aces nang silatin ang number one team Rain or Shine matapos ang elimination round sa anim na laro.
Mas napahinga ang Beermen at inaasahang ginamit ni coach Leo Austria ang bakasyon sa paghahanap ng solusyon sa pamatay na trapping defense ng Aces.
“Their defense is different. They keep of winning because of their defense and we have to be prepared for that,” wika ni Austria na natalo sa Alaska, 66-63, sa natatanging pagtutuos sa conference.
Hindi naman magiging kagulat-gulat kung si June Mar Fajardo ang siyang magdadala sa laban ng Beermen lalo pa’t ito na ang kanyang ginagawa mula pa noong nakaraang taon na kung saan ang 6’10 center ang kinilala bilang MVP.
Pero aminado si Austria na kailangan ni Fajardo ng suporta para gumaan ang kanyang trabaho.
Nangangahulugan ito na dapat na magpakita pa rin ang isa pang MVP ng San Miguel na si Arwind Santos bukod pa kina Alex Cabagnot at Marcio Lassiter.
Maliban sa depensa, ang magandang pagtutulungan ng mga manlalaro ang isa sa aasahan ni Alaska coach Alex Compton.
Sina Calvin Abueva, Sonny Thoss at Jayvie Casio ang mga mangunguna pero malaking bagay ang ipakikita ng mga beteranong sina Eric Menk, Cyrus Baguio at Dondon Hontiveros para makauna sa serye.
“The only way for us to beat them is to play good defense,” wika ni Compton.
Ang Game Two ay gagawin sa Biyernes habang ang Game Three ay sa Linggo. Kung magkakaroon ng sweep ito ay mangyayari sa Enero 14.
- Latest