Mga aksyon sa NCAA volleyball, football muling masasaksihan sa Miyerkules
MANILA, Philippines – Natapos na ang bakasyon at muling matutunghayan ang mga aksyon sa NCAA Season 90 volleyball at football sa Miyerkules sa Rizal Memorial pitch at sa The Arena sa San Juan City, ayon sa pagkakasunod.
Sasagupain ng Emilio Aguinaldo College, nagposte ng nine-game sweep sa men’s division sa first round, ang Arellano University, may 6-3 (win-loss) record na nagbigay sa kanila ng ikaapat at huling silya sa semifinals.
Pinamunuan ni MVP leader Howard Mojica, winalis ng Generals, pumangalawa noong nakaraang season, ang lahat ng kanilang siyam na asignatura sa first round.
Tampok dito ang kanilang 20-25, 25-15, 20-25, 25-18, 15-13 pagtakas sa Perpetual Help noong Dec. 4 na tumapos sa 54-match winning streak ng Altas.
Makakaharap ng Perpetual Help, ang four-peat champion, ang College of St. Benilde (7-2).
Sa women’s division, puntirya rin ng Arellano University ang kanilang ika-10 sunod na panalo makaraan ang kanilang nine-game sweep sa first round sa pagharap sa San Sebastian.
Magtutuos naman ang Perpetual Help, ang three-peat titlist, at ang St. Benilde.
Tumapos ang Lady Blazers, Lady Altas at Lady Stags sa ikalawa, ikatlo at ikaapat na puwesto base sa quotient scores makaraang magtabla ang tatlo sa second spot.
May magkakatulad silang 7-2 (win-loss) record matapos ang first round.
Sa juniors’ division, makakasukatan ng Lyceum, nagtala ng seven-match sweep sa first round, ang San Sebastian at makakalaban ng EAC ang Perpetual Help.
Sa high school football, haharapin ng La Salle-Greenhills ang EAC at makakatipan ng defending champion San Beda ang Arellano sa pagsisimula ng second round.
Naipanalo ng Greenies ang lahat ng kanilang anim na laro para ilista ang 18 points kasunod ang Cubs (15), Junior Chiefs a(12) at Brigadiers (7).
Sa college football, tatargetin ng San Beda Red Lions, ang three-peat title-holder, ang kanilang pang-pitong sunod na panalo asa pagharap sa St. Benilde.
Magtutuos naman ang Lyceum Pirates at ang Arellano Chiefs sa Huwebes.
- Latest