Sa UAAP women’s volleyball tournament: Lady Eagles nalusutan ang Maroons; Lady Spikers nanatili sa liderato
MANILA, Philippines – Dumaan man sa butas ng karayom ay sapat pa rin ang karanasan ng nagdedepensang Ateneo Lady Eagles para maisantabi ang maituturing bilang pinakamagandang paglalaro ng UP Lady Maroons sa 77th UAAP women’s volleyball kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Lima sa kanyang 25 hits ang ginawa ni Alyssa Valdez sa ikalima at huling set para bitbitin ang Lady Eagles sa 25-18, 22-25, 25-20, 15-25, 15-11 panalo at maisulong ang winning streak sa lima.
Wala namang hirap ang dating kampeon La Salle Lady Archers sa pagtuhog sa ikaanim na sunod na panalo sa pamamagitan ng 25-6, 25-16, 25-11 straight sets win sa host UE Lady Warriors sa ikalawang laro.
Si Ara Galang na ipinagdiwang ang kanyang ika-20th kaarawan kahapon ay may 10 hits tulad ni Mika Reyes para ipatikim sa UE ang ikaanim na sunod na pagkatalo.
Ito ang unang laro ng Ateneo sa loob ng isang buwan at unang pagkakataon na lumasap sila ng set loss at umabot sa fifth set ang laban sa season.
“Maganda ang inilaro ng UP at kami, halos lahat off dahil sa holidays kaya masaya ako at naipanalo pa naming ito,” wika ni Valdez na may 20 kills, 3 blocks at dalawang aces.
Ang pang-apat niyang puntos sa fifth set ang nagbigay sa koponan ng 11-9 kalamangan pero gumawa ng magkasunod na kills si Nicole Anne Tiamzon para dumikit ang UP sa isa, 10-11.
Ngunit nawala ang momentum sa State University sa service error si Angeli Pauline Araneta.
Isang service ace ang pinakawalan ni Julia Morado at matapos ang isa pang error ng UP ay matinding kill ang ginawa ni Valdez para tapusin ang labang tumagal ng isang oras at 52 minuto.
May 12 at 11 hits sina Isabelle De Leon at Amy Ahomiro, si Morada ay may 43 excellent sets at ang liberong si Denden Lazaro ay may 11 digs para angkinin ng Ateneo ang ika-15 sunod na panalo sa UP mula 2007.
Huling nagwagi ang Lady Maroons sa Lady Eagles ay noon pang Enero 17, 2007 gamit ang marathon na 37-35, 22-25, 20-25, 25-17, 15-12 panalo.
Nasayang ang 22 puntos, tampok ang 21 kills, ni Tiamzon nang lasapin ng koponan ang ikaapat na pagkatalo laban sa dalawang panalo.
Nalaglag ang UP sa ikaanim na puwesto sa walong koponang naglalaban.
- Latest