Aces tatapusin na ang Painters
Laro Ngayon
(Mall of Asia Arena, Pasay City)
5 p.m. Alaska vs Rain or Shine (Game 6, semis)
MANILA, Philippines – Ang Rain or Shine ang sumibak sa kanila sa semifinal round ng nakaraang PBA Governors Cup. May pagkakataon ang Alaska na makaganti ngayon.
Tangan ang 3-2 bentahe sa kanilang semifinal series, pipilitin ng Aces na wakasan ang kanilang best-of-seven showdown ng Elasto Painters sa Game Six sa alas-5 ng hapon para sa 2014-2015 PBA Philippine Cup sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Umiskor ang Alaska ng mahalagang 93-88 panalo laban sa Rain or Shine sa Game Five noong Disyembre 27 para makalapit sa kanilang inaasam na Finals berth katapat ang naghihintay na San Miguel.
“Dapat ganun pa rin ‘yung killer instinct namin kung gusto namin mag-finals dahil last conference tinalo nila kami,” sabi ni Aces’ guard Cyrus Baguio sa Elasto Painters.
Sa PBA Governors Cup ay kinuha ng Alaska ang 2-1 bentahe at handa nang angkinin ang Finals ticket nang madulas si point guard Jayvee Casio sa kanyang fastbreak layup sa dulo ng Game 4 na naging dahilan ng pagtabla ng Rain or Shine sa 2-2.
Hindi nakalaro si Casio para sa Aces sa Game Five at ang putback ni center Beau Belga ang nagpanalo sa Elasto Painters.
Ayon kay Alaska coach Alex Compton, hindi siya makukuntento hanggat hindi nila nakukuha ang ikaapat na panalo sa kanilang semifinals duel ng Rain or Shine.
“Basically what we got is a twice to beat; we still need to get one,” wika ni Compton. “No question it won’t be easy and there’s no guarantee we’ll be there.”
Muling sasandal ang Aces kina Baguio, Casio, Calvin Abueva, Dondon Hontiveros, Vic Manuel, Sonny Thoss at Eric Menk katapat sina Belga, Jeff Chan, Paul Lee, Ryan Araña, Gabe Norwood at JR Quiñahan ng Elasto Painters.
“We will go all out to bring this to a Game 7, and if we do, we will pull it through. Ang importante ‘yung Game 6 muna,” sabi ni Rain or Shine mentor Yeng Guiao.
- Latest