Bulls sinuwag ang Nuggets
CHICAGO--Umiskor si Derrick Rose ng 13 sa kanyang 17 points sa fourth quarter para igiya ang Bulls sa 106-101 panalo laban sa Denver Nuggets.
Tumipa si Jimmy Butler ng 26 para pangunahan ang Chicago, habang nag-ambag si Pau Gasol ng 17 points, 9 rebounds at career-high 9 blocks.
Nagposte ang Bulls ng franchise-record na 18 shotblocks patungo sa kanilang ika-11 panalo sa nakaraang 13 laro.
Nakuha ni Rose ang kanyang porma matapos ang dalawang sunod na malamyang laro.
Pinamunuan naman ni Wilson Chandler ang Denver sa kanyang 22 points.
Nagdagdag si Ty Lawson ng 20 points kasunod ang 19 ni Arron Afflalo, habang kumolekta si Kenneth Faried ng 18 points at 19 rebounds para sa Nuggets.
Kinuha ng Chicago, naiwanan ng Denver sa 13 puntos sa third period, ang 100-97 kalamangan sa huling 46 segundo.
Umiskor si Rose ng 21-foot jumper kasunod ang dunk ni Faried sa huling 22 segundo para ilapit ang Nuggets sa tatlong puntos na agwat.
Nagsalpak si Aaron Brooks ng dalawang free throws para sa five-point lead ng Chicago, samantalang ang dalawang charities ni Rose ang sumelyo sa kanilang panalo.
Sa Minneapolis kumamada si Rudy Gay ng 21 points, 6 rebounds at 5 assists para pamunuan ang Sacramento Kings sa 110-107 panalo laban sa Timberwolves.
Ito ang pang-10 sunod na kamalasan ng Wolves.
Kumolekta si DeMarcus Cousins ng 19 points at 7 rebounds, habang gumawa si Darren Collison ng 21 points at may 17 si Derrick Williams.
Binanderahan ni Andrew Wiggins ang Timberwolves sa kanyang 27 points at 9 rebounds.
- Latest