NCFP may panibagong problema na hinaharap
MANILA, Philippines – Nabigo ang National Chess Federation of the Philippines na bayaran ang kanilang atraso na nagkakahalaga ng $8,000 kaya naman hindi binabago ang ratings ng kanilang top 10 players sa monthly list.
Ito ang pinakabagong dagok sa NCFP matapos ang paglipat ni No. 1 player Wesley So sa United States Chess Federation.
Sinabi naman ni NCFP executive director at GM Jayson Gonzales na isa lamang minor delay ang nangyari at nakahanda silang magbayad ngayong linggo.
Ang Pilipinas ay isa lang sa 30 bansang hindi nakakabayad sa tamang oras.
Habang kailangang hintayin ng mga Filipino chessers ang kanilang bagong ratings, umangat naman ang 20-anyos na si So sa No. 10 sa kanyang 2777 ELO rating mula sa No. 28.
Ang pagtaas ni So ay mula sa kanyang nakaraang apat na paghahari sa Capablanca Memorial sa Cuba noong May, sa ACP Golden Classic sa Bergamo, Italy noong Hulyo, sa Millionaire Chess Cup sa Las Vegas noong Oktubre at sa North American Chess Open sa Las Vegas at ang kanyang second place finish sa Edmonton Cup sa Alberta, Canada noong Hunyo.
Ang Cavite-born na si So, nakabase ngayon sa Minnesota matapos umalis sa Webster University at sa pangangalaga ni coach Susan Polgar, ay nakatakdang lumahok sa Tata Steel Masters sa Jan. 9 sa The Netherlands.
- Latest